STEPHANIE MACAYAN
ANG pagkulay ng buhok o paggamit ng hair dye ay hindi lamang dala ng pangangailangan kundi bunsod din ng kagustuhang makasunod sa mga trend o uso.
Lubos na kailangan ng mga nakatatanda ang paggamit ng hair dye lalo na kung mabilis ang pagputi ng kanilang buhok. Para sa mga kabataan naman, ang pag dye ng buhok ay pagsunod sa trend at pagbibigay daan sa kanilang kagustuhang mag experiment sa kanilang looks.
Kung noong dati ang paggamit ng hair dye ay para lamang takpan ang maputing buhok, karaniwan na ngayon sa mga mas nakababata na paputiin sa pamamagitan ng bleaching ang kanilang maitim na buhok nang sa gayon ay mapatungan nila ito ng ibang kulay na mas light o matingkad depende na rin sa kanilang look na gustong ma-achieve.
Iba’t-ibang brand ng pangkulay ng buhok ang nagkalat sa mga palengke, convenience store, drug store, grocery at malls. Malaki rin ang nagagastos at nag i-invest ang marami para lamang pagandahin ang buhok, dahil ito ay nakakadagdag ng kanilang self-confidence.
Ngunit hindi rin alintana ng mga mahilig sumabay sa trend o uso na ang madalas na pagpapalit ng kulay ng buhok bagama’t magandang tignan, ay hindi mabuti para sa kalusugan lalo na kung ang paggamit ng chemical hair dye.
Ayon sa mga eksperto, ang mga chemical na ingredients ng hair color at dye ay may masamang epekto sa katawan kaya kapag ito ay pinagpatuloy na gamitin ay maaaring maging delikado ang kalusugan.
Narito ang ilang negatibong epekto sa kalusugan ng mga chemical hair dye:
Nagiging marupok ang hibla ng buhok. Kung ang buhok ay laging kinukulayan, lalo na kapag dumadaan sa proseso ng bleaching, numinipis ang hibla ng buhok at nawawala ang nutrition nito kaya ito ay nagiging marupok. Dahil ang formula ng mga chemical na hair dye ay matatapang kaya ang buhok ay nagiging dry.
Pagkasira ng balat. Dahil sa tapang ng mga ingredients ng chemical hair color, may pagkakataon na dapat magsagawa muna ng test sa balat. Kung may reaksyon ang balat maaaring ikaw ay may allergy sa isa sa mga nakahalo sa produkto. Maaaring ma-irita ang balat, mamula at mahapdi. Kaya alamin at mag-ingat, huwag magpadalos-dalos sa pagpapakulay ng buhok.
Pamumula ng mata o conjunctivitis. May kimikal na ingredient ang pangkulay ng buhok na maaaring maging sanhi ng pamamaga ng conjunctiva at maiirita, mamumula at hahapdi ang mata.
Kung talagang nais baguhin ang kulay ng buhok, bakit hindi sumubok ng mga organic o natural hair dye. Marami nang mabibili nito at may maraming kulay din na pagpipilian. Mag search lamang sa Internet.