MAGIGING one-on-one ang magiging set-up ng paggigiit ni Pangulong Rodrigo Duterte kay Chinese President Xi Jinping sa panalo ng Pilipinas sa arbitral court kaugnay sa usapin sa West Philippine Sea.
Ito ay ayon kay Presidential Spokesperson Sec. Salvador Panelo matapos nitong sabihin ang nakatakdang pagkikita nina Pangulong Duterte at ni President Xi ngayong buwan ang takdang panahon upang tuluyan nang igiit ng pamahalaan sa China ang panalo ng Pilipinas sa arbitral court.
Ayon kay Panelo, magiging one on one at pormal ang gagawing paninindigan ni Pangulong Duterte sa harap ni Xi Jinping hindi kagaya ng una ng dalawang pagkakataong iginiit nito sa Chinese leader na sa atin ang West Philippine Sea.
Kaugnay nito’y tumanggi namang magkomento na ni Panelo sakali mang mangyaring muling igiit ni President Xi na hindi nila kinikilala ang 2016 ruling.
Mag-abang na lang aniya sa kung ano ang magaganap sakali’t mauwi sa gayung senaryo ang magiging pag-uusap nina President Xi at ni Pangulong Duterte.
Samantala, higit na ikatutuwa ng mga Pilipino ang pakikipag-usap ni Pangulong Duterte kay Chinese President Xi Jin Ping patungkol sa arbitral ruling sa West Philippine Sea.
Ito ang naging pahayag ni Stratbase ADRi President Professor Dindo Manhit hinggil sa plano ni Pangulong Duterte na kausapin si Chinese President Xi Jin Ping sa kanyang pagbisita dito sa katapusan ng buwan.
“Kung paninindigan ito ng pangulo, kung ire-raise niya ito sa namumuno sa China, si President Xi Jin Ping, baka magkaroon ng mas magandang respeto patungo sa atin, respetuhin kung ano yung napanalunan natin, at maprotektahan yung atin,” pahayag ni Manhit.
Dagdag pa niya, maganda rin kakausapin ni Pangulong Duterte ang ibang bansa sa United Nations habang isinusulong ang ating karapatan sa nasabing isla dahil sa suportado naman ng mga ito ang pagkapanalo ng Pilipinas sa International Law.
CAPTION:
PAKIKIPAG-USAP ni Duterte kay Xi hinggil sa arbitral ruling, ikatutuwa ng mga Pinoy.