JHOMEL SANTOS
MULING inihain ni Senador Sherwin Gatchalian ang isang panukala na naglalayong ipatupad ang “No Parking Space, No Car Policy” sa Metro Manila.
Ayon kay Gatchalian, ang Senate Bill No. 368 o ang Proof-of-Parking Space Act ay hihingan ang mga bibili ng sasakyan na magpresenta ng notarized affidavit na nagpapakita na mayroon silang parking space o pasilidad para sa kanilang bibilhing sasakyan.
Ani Gatchalian, dapat i-file ng Land Transportation Office ang affidavit para sa future reference at magamit bilang ebidensya laban sa mga may-ari ng sasakyan na nagsinungaling sa pagkakaroon ng garahe.
Kung mapatutunayan aniya na wala talagang paradahan ang bumili ng sasakyan, pagmumultahin ito ng P50, 000, sususpendihin ang pagpaparehistro ng sasakyan sa ilalim ng kanilang pangalan sa loob ng tatlong taon at kukumpiskahin ang kasalukuyan nilang rehistro.
Papatawan naman ng tatlong buwang suspensyon sa trabaho at wala ring matatanggap na sahod o anumang benepisyo ang kawani ng lto na nagbigay ng rehistro na wala ang required requirements.