JHOMEL SANTOS
Tila nauwi lang sa wala at naging walang kwenta ang hakbang ng pamahalaan sa makailang beses na pagsusulong ng peace talks sa CPP-NDF-NPA.
Ito ang naging pahayag ng executive pastor ng The Kingdom of Jesus Christ na si Reverend Fellow Doctor Pastor Apollo C. Quiboloy sa isang special edition ng programang Usaping Bayan sa SMNI kaugnay sa pagsusulong ng localized peace talks.
Ayon kay Pastor Apollo, pinanghihinayangan nito ang gastos ng pamahalaan matapos makipagkita ang mga kinatawan ng bansa kay CPP-NPA founder Joma Sison sa The Netherlands ngunit wala naman aniyang nangyari at patuloy pa rin ang paghahasik ng rebelyon o paninira sa bansa ng mga makakaliwang grupo.
Kung tutuusin ayon sa butihing pastor dahil sa laki na ng pinsalang idinulot ng mga makakaliwang grupo sa ating bansa, nararapat lang na tugisin ang mga ito.
Sa kabilang banda, ikinatutuwa ni Pastor Apollo ang gumugulong na localized peace talks kasama na rito ang pagbibigay ng pamahalaan ng pagkakataong magbago ang mga miyembro ng New People’s Army sa ilalim ng Balik-Loob Program ng civil defense department ng bansa.