NANAWAGAN si dating Presidential Spokesperson Harry Roque na magkaisa ang sambayanan para tanggalan ng lisensiya ang mga nandaraya sa Philippine Health Insurance Corporation o sa PhilHealth.
Sa panayam ng Sonshine Radio at SMNI News, sinabi ni Roque na matagal na nilang naisiwalat ang mga kaso ng pang-aabuso ng mga health care providers na kakutsaba ng PhilHealth.
Subalit ayon kay Roque, bagama’t wala pang natatanggal na health care professionals hanggang ngayon ay naniniwala naman siya na tutulong ang bagong pamunuan ng PhilHealth.
“Nakakahiya nga po, marami diyan mga doktor pa, so kinakailangan po talaga magkaisa ang sambayanan kasama po ang mga propesyonal na mga doktor na dapat naman tanggalan ng lisensiya yung mga nandadaraya diyan sa PhilHealth,” ayon sa pahayag ni Roque.
“Pero importante rin tanggalin yung mga nakiki-kutsaba diyan sa PhilHealth dahil hanggang ngayon po, wala pang natatanggal dun sa mga careers na sila naman talaga ang kakutsaba ng mga health providers diyan.”
“Pero ang aking paniwala po matapos ko pong makausap ang bagong liderato ng PhilHealth, ay darating naman po ang panahon diyan,” ayon pa ni Roque.
Maaalalang sinibak ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga matataas na opisyal ng PhilHealth at inilagay sa puwesto si retired General Ricardo Morales.
Ito ay matapos ang kontrobersiyal na “ghost” dialysis patients ng WellMed Dialysis Center na patuloy na nakakukuha ng bayad mula sa PhilHealth kahit patay na ang kanilang pasyente.
Paglalaan ng pondo sa PhilHealth, dapat munang ipatigil
Kaugnay nito, ipinanawagan ni Roque na tutukan muna ang pagtanggal ng kurapsyon sa ahensya bago ibuhos ang malalaking pondo dahil sa masasayang lamang ito.
Ayon kay Roque, masasayang lang ang ilalaang pondo para sa mga magandang proyekto ng gobyerno kung mapupunta lang sa kamay ng mga kurakot.
Magugunitang ibinunyag ni Senador Panfilo Lacson sa kanyang privilege speech na ang isang drug manufacturing company na pag-aari ng pamilya ni dating Health Secretary Francisco Duque ay nakakuha ng milyun-milyong kontrata para maging supplier ng gamot sa government hospitals.
“Pati ‘yung sa DOH ngayon nagkakaroon ng bansag dahil nga dun sa privilege speech ni Senator Ping Lacson. Kaya nga siguro uulitin ko yung panawagan ko. Pag-aralan muna natin kung paano tanggalin ang kurapsyon bago natin ibuhos ang sangkatutak na salapi galing sa kaban ng bayan para isabatas ang Universal Health Care. Ako po gustung-gusto kong maipatupad na. Pero ang opsyon po natin mapapatupad ba natin iyan o patatabain lang natin ang mga kurakot,” ani Roque.