CRESILYN CATARONG
MULING nagsampa ng panibagong kaso si Executive Sec. Salvador Medialdea laban sa mamamahayag at Special Envoy to China na si Ramon Tulfo dahil sa mga batikos sa artikulo sa pahayagang Manila Times.
Kasama ni Medialdela na nagtungo kamakailan sa Manila Prosecutors Office ang kanyang abogado na si Atty. Elvis Balayan kung saan pinanumpaan nito sa harap ng piskalya ang kanyang reklamong libel.
Ibinase ang panibagong reklamong libel laban kay Tulfo sa artikulo nito noong July 25 at August 1 na umaatake sa kredibilidad at pagkatao ni Medialdea.
Ito na ang ikatlong libel case na isinampa ni Medialdea laban kay Ramon Tulfo.
Magugunitang may nakabinbin pang 2 counts ng libel case laban kay Tulfo na paglabag sa Revised Penal Code at dalawang ulit na reklamong cyber libel na paglabag sa ilalim ng Republic Act 10175.
Kasama sa inireklamo ang mga opisyal ng The Manila Times na sina Dante ang bilang president at Chief Executive Officer; Blanca Mercado, Chief Operating Officer; Nerilyn Tenorio, Publisher-Editor; Leena Chuna, News Editor at Lynette Luna, National Editor.
Humihingi si Medialdea ng P80 million para sa moral damages, at P60 million para sa exemplary damages.