MARILETH ANTIOLA
UMAARANGKADA ngayon ang karera ni Christian Jaymar Perez o mas kilala sa pangalan na CJ Perez at binansagan na “The Baby Beast” of basketball.
Sikat na sikat ngayon si CJ Perez lalong-lalo sa marami niyang fans sa hanay ng mga millennials.
Si CJ Perez ang rookie player ng Filipino-American team ng Columbian Dyip na kilala rin sa dating pangalan nito na KIA at Mahindra. Isa rin si CJ sa may laging malaking ambag na puntos sa bawat mga laro ng team. Ngayon marami na rin siyang tagahanga na sumusuporta sa bawat laro niya sa Philippine Basketball Association (PBA) Governor’s Cup at Commissioner’s Cup.
Lingid sa kaalaman ng iba, si CJ ang No.1 overall rookie draft pick noong 2018 ng Columbia Dyip nang pinalalakas nito ang hanay ng kanilang team.
Ang 25 anyos na si CJ ay may taas na 6’2’’.
Pinanganak siya noong Nobyembre 13, 1993. Ngunit hanggang ngayon ay hindi parin niya nakikilala ang kanyang tunay na ama. Pinalaki si CJ ng kanyang mga lolo at lola sa Pangasinan matapos umalis ang kanyang ina upang magtrabaho sa ibang bansa.
Sa takbo ng karera ni CJ, madalas ihambing siya sa superstar ng basketball na si Calvin “The Beast” Abueva.
Simula ng karera sa hardcourt
Si CJ ay nagsimulang maglaro ng basketball noong siya ay nasa high school. Naalala niya na madalas siyang maglaro sa maliliit na paligsahan na kilala bilang ligang labas, at sa mga friendly na taya na may iba pang mga manlalaro ng basketball upang higit na mapabilis ang kanyang mga kasanayan sa napiling laro.
Hindi kailanman nakita ni CJ na magiging karera niya ay sa sports. Mula siya sa isang maliit na bayan sa lalawigan ng Pangasinan, ang basketball ay isa lamang recreational activity para sa kanya. Naglalaro lamang siya dati sa mga kalye at sa liga sa kanilang barangay. Hindi sumagi noon sa kanyang isip na isang araw mapupunta siya sa big league ng basketball.
Noong tumuntong si CJ ng kolehiyo, una siyang pumasok sa San Sebastian College-Recoletos. Mula rito nalipat siya sa Ateneo De Manila University at nakipagtagpo siya kasama ang dating coach na si Topex Robinson sa Lyceum of the Philippines (LPU) Pirates. Doon, hindi lamang siya ang nanalo ng pinakamataas na karangalan ng indibidwal ngunit pinangunahan din niya ang team sa pagpanalo ng lahat ng kanilang mga laro sa elimination round.
Nang matapos ng kolehiyo si CJ, ginamit niya ang kanyang mga karanasan upang lalong magsumikap at palawakin pa ang noo’y nagsisimulang karera sa basketball. Naghanda at nagsanay siya nang matagal at sa di kalaunan narating niya ngayon ang kinaroroonan.
Mga karangalang natamo
Dalawang beses na itinanghal na Rookie of the Month si CJ, pagpapatunay na hindi nagkamali ang pagpili sa kanya na No.1 overall pick noon sa ginanap na Rookie Draft noong nakaraang taon.
Kabilang si CJ na dating wingman, sa mga itinanghal na isa sa Most Valuable Player ng LPU Pirates. Nakakuha pa siya ng isa pang pagkakataon upang maipakita ang kanyang mga talento at makipaglaban para makamit ang kampeonato.
Naihatid din ng dating NCAA season MVP ang Columbian Dyip sa 2-2 record sa kanilang unang apat na laro noong season-opening ng Philippine Cup.
Dahil sa kanyang kasipagan at kahanga-hangang paglalaro para sa Columbian Dyip noong nakaraang season, siya ang naging unanimous choice para maging kauna-unahang tumanggap ng PBA Press Corps Rookie of the Month award.
Natalo niya ang tatlong magagaling ding rookie para sa parangal — sina Abu Tatter ng Blackwater Elite, Jayvee Mocon ng Rain or Shine Elasto Painters at ang player naman na si Robert Bolick ng koponan ng NortPort Batang Pier team.
Isang magandang inspirasyon si CJ Perez sa mga kabataan na nagnanais makapaglaro sa PBA. Magsumikap at huwag basta-basta susuko at gawing motibasyon ang mga karanasan sa buhay upang lalong maging matatag. Higit sa lahat huwag tumigil sa pagpraktis anuman ang pagsubok o setbacks na maaring kaharapin. Ang tagumpay ay abot kamay kahit na sino sa ganitong paraan.