Ni: STEPHANIE MACAYAN
Ang Boracay, Batanes, Siargao at Palawan ay ang mga kilalang beach na pinupuntahan sa Pilipinas, kaya naman lagi itong nasa bucket list ng nakararami. Pero gusto mo ba ng beach na swak sa budget? May buhangin ng parang sa Boracay? Kasing ganda ng Batanes at Siargao? Malinaw na tubig na parang Palawan? Lahat ng iyan ay meron din sa Jomalig Island.
Ang Jomalig Island ay isang paraisong nakatago sa probinsya ng Quezon. Ngunit dahil sa tulong ng social media at blogs ay unti-unti na itong nakikilala at dumarami na rin ang mga turista pumupunta roon. Ang islang ito ay maaari mong maging one-stop destination dahil malapit ito sa Maynila at kakaibang karanasan ito para sa mga bisita. Malinis at halos hindi pa nagagalaw ang Jomalig Island at dapat isa ito sa mga nakalista sa iyong bucket list.
Ang Jomalig ay isang liblib na isla na matatagpuan sa easternmost portion ng Polillo group of Islands at pinaka maliit na munisipalidad sa probinsya ng Quezon.
Pinagmulan ng pangalan ng Jomalig
Ang Jomalig ay binibigkas bilang “hu-ma-lig” at nagmula sa isang salitang Bisaya na nangangahulugang “halikan.” Ang alamat ng pangalan nito ay simpleng pagpapakita ng purong pagmamahal, interes at kagandahan ng isla.
Ayon sa kwento-kwento ng mga Jomaligins o mga lokal na nakatira dito, matagal na panahon na ang nakalilipas, ang pinuno ng Jomalig ay may anak na napaka gandang babae. May isang binatang dumating sa isla at nagsabi sa kaniya na gustong pakasalan ang kaniyang anak. Hinamon nito ang binata na bago ito pumayag na pakasalan ang kaniyang anak ay kailangan nitong manghuli ng tatlong isda sa bawat lawa ng buong isla. Ang hamong ito ay tinanggap ng binata ngunit kalaunan siya ay natalo, kaya naman bago umalis ang binata hiniling nito na makahingi ng isang halik sa dalaga. Nagsimulang sumigaw ang mga tao ng “humalig, humalig” kaya naman pinagbigyan ng dalaga ang hiling ng binata.
Paglipas ng panahon at dahil sa pagka iba-iba ng mga salita at pagpasok ng American words sa lengguahe ang isla ay tinawag na Jomalig.
Travel at tipid tips
Si Carlo at ang mga kaibigan niya ay mahilig mag travel. Isa ang Jomalig sa kanilang travel destination dahil ito ay pasok sa budget lalo na kung gustong makatipid. Isa sa kaniyang kaibigan na si John Germaine ay nakatira dito at ang kaniyang tiyuhin ay may-ari ng isang resort sa isla.
Magkano naman kaya ang naging budget nila para sa pagpunta dito?
“Sa budget, kung three days and two nights dapat ang budget Ay P3,500–4,000; kasama na pocket money at balikang transpo. May sobra pa yan.
“Nag van kami, P300 per head simula Alabang hanggang sa port, then ‘yung boat transfer P400 hanggang Jomalig na ‘yun, tapos P70 para sa habal-habal papuntang resort.
“Transpo palang P1,540 na, sama mo pa ‘yung tour na habal-habal na P600. Six destinations na din ‘yun tapos may mga entrance din dun sa mga resort na P130 lahat.”
Mayroong ng mga resort na pwedeng tuluyan, Si Carlo at mga kasama niya ay tumuloy sa isang resort kung saan may entrance fee na P150 at P70 para sa environmental fee.
“May mga rooms sila doon na para sa limang katao na P500 per night; may pang dalawa sila na parang kubo na triangle, P500 din per night. Yung pagkain namin for three days P433, breakfast, lunch at dinner na.”
Ang byahe papuntang Jomalig mula sa port ng Real ay a-abot ng apat hanggang anim na oras dipende sa alon gamit ang bangka at isang biyahe lamang meron sa isang araw.
Makalipas ang apat na oras bubungad ang mala paraisong ganda ng isla ng Jomalig. Dagat na napaka-linaw at ang ipinagmamalaki nilang golden sand na sa sobrang pino ang iyong paa ay lulubog agad, maiha-halintulad din ang buhangin nito sa Boracay.
Ano nga ba ang mga maaaring gawin sa isla ng Jomalig na mae-enjoy ng mga turista?
“Yung Jomalig isang buong isla lang, tapos habal-habal gamit para maikot. Marami kaming nagawa doon, di tulad sa ibang island na isa lang ang puedeng gawin. Sa Jomalig, mai-ikot mo ang buong isla at iba-iba ‘yung pwedeng mapuntahan.”
May iba’t-ibang tourist attraction din don gaya ng Kanaway Sand Ripples kung saan ang buhangin ay pumo-pormang alon. Maaari rin puntahan ang Salibungot beach and sandbar. May Little Batanes of Jomalig kung hindi afford ang pag-bisita sa Batanes. Dito matatagpuan matatagpuan ang Lingayen Cove na may makapigil hininga na rock formations, na parang nasa Batanes. Ilang minutong paglalakad naman kung low tide, makikita ang Little Boracay of Jomalig ang Alog white sand beach.
Aakalain mong isang maliit na isla lamang ang Jomalig, ngunit ito pala ay isang malaking isla na maraming maaring puntahan at pasyalan. Kaya naman huwag ng pahuhuli, bisitahin at mahumaling sa gandang hindi mo inakala, ang Jomalig Island.