NI: MARILETH ANTIOLA
NAIS mo bang masilayan ang mga magagandang tanawin at mapuntahan ang mga mala paraisong lugar sa Pilipinas?
Basahin ang artikulong ito hanggang sa dulo para may ideya kung saan pupunta para makapagrelax at makapagbakasyon at maiwasan ang pagpunta sa mga mamahaling bakasyunan na hindi handa.
Ang mga lugar na ito ay patunay din na hindi na kinakailangan pang mangibang bansa para mahanap ang magandang tanawin at maaliwalas na bakasyunan. Ang paraiso ay matatagpuan dito mismo sa Pilipinas.
Narito ang mga lugar na dapat isama sa bucket list at travel goals ng pamilya, magkakaibigan at maging ng mga magkasintahan.
Boracay
Isa rito sa pinaka sikat na lugar sa Pilipinas at kilalang-kilala na rin sa buong mundo. Matatagpuan ang Boracay, sa Aklan, isang oras na paglipad mula sa Maynila.
Dinarayo ang Boracay hindi lamang ng mga turista kundi pati na rin ng mga taga ibang bahagi ng Pilipinas lalo nang ito ay nilinis at pinaganda matapos ipasara pansamantala noong isang taon.
At, hinirang din ang pamosong isla ng isang travel and leisure magazine bilang Best Island in the World.
Sa maliit na isla ng Boracay, tinatakasan ng mga turista mula sa kanluran ang kanilang harsh winters upang makapaglakad sa sandy beaches nito, makapagbabad sa araw at magtampisaw sa mainit at bughaw na tubig dagat. Ang buhay sa tabing-dagat, mga beach activities, at buhay na buhay na nightlife ang tiyak na magneto sa mga bisitang ito.
Ang pang-akit ng Boracay ay hindi limitado sa iilang mga aspeto lamang. Ito ay ang pagsasama-sama ng maraming mga bagay na siyang nagbibigay sa islang ito ng natatanging lugar sa industriya ng turismo sa Pilipinas.
Halos kalahating taon din ipinasara ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Boracay upang maibalik sa dati at maisaayos ang isla na nasira dahil sa kapabayaan ng ilang negosyante doon.
Ilang buwan na rin ang nakalilipas at nagbukas muli ang isla ng Boracay sa mga turista at unti-unti nang naibabalik ang saya at laki ng turismo dito.
Palawan
Kung naguguluhan at nahihirapan magdesisyon kung saang lugar sa Pilipinas magbabakasyon at hindi naman problema ang budget, dapat unahin sa listahan ang Palawan. Bukod sa may malalawak na terrain ang Palawan at kaiga-igaya ang dagat dito, mala paraiso ang mga tanawin at tiyak na malilimutan dito ang iniwang mga problema at stress sa pinaggalingan. Lubos na kabigha-bighani ang natural na ganda ng Palawan at ang wild and unspoiled character nito.
Narito ang ILANG LUGAR sa Palawan NA DAPAT PUNTAHAN:
ANG mala kulay asul na tubig ng Coron, Palawan
CORON. Ito ang isa sa pinakamagandang pagbakasyunan sa Palawan dahil bukod sa may mga kaakit-akit na tanawin ay mura lang ang mga bilihin at napaka hospitable ng mga tao roon sa lahat ng bisita, maging lokal o banyaga.
Ang Coron ay isang maliit na bayan sa isla ng Busuanga sa Northern Palawan. May mga airline na may direct flight patungong Busuanga mula sa Maynila.
Naiiba ang hatak ng Coron. Hindi ito dinarayo para lamang sa white sand beach gaya ng ibang destinasyon. Sa halip, ang Coron ay natatangi dahil sa island hopping tours gamit ang bangka. Napakaganda pa ng tanawin at vegetation sa Coron at masasabing hanggang sa panahong ito, unspoilt pa ang natural charms ng isla.
Ang malinis at maalwang shoreline ng Coron ay hindi pa nababahiran ng “kalat ng kaunlaran” na kadalasan ay sumisira sa mga mala paraisong destinasyon kapag ito ay dinumog na ng turista.
EL NIDO. Sa El Nido naman, hindi mabilang ang magagandang atraksyon at nakamamanghang mga tanawin at baybayin. Dinarayo rin ito ng mga artistang banyaga, gaya ng mga Koreano, kapag sila ay biniyayaan ng bakasyon pagkatapos ng matagumpay at blockbuster nilang serye.
Kakaiba ang mga sights sa El NIdo at talagang napapa-wow ang mga turista dito. Bukod sa mga tanawin, marami ring nakakamanghang katangian ang isla na hindi matatagpuan sa ibang lugar sa Palawan.
Cebu City
Ang Cebu City ay pangalawang pinakamalaking lunsod sa Pilipinas ngunit ito ay mas maliit at hindi gaanong masikip kagaya ng Maynila. Bagama’t nasa Cebu City ang anumang inaasahan ng bisita — mga beach, world class na restoran at hotel, swinging nightlife at tourist spots — maaari pang makaramdam ang bisita ng mas malamig na simoy ng hangin dito kahit na may traffic na rin sa city center. At maraming historic spots na maaaring puntahan sa Cebu City.
Ilang MAKASAYSAYANG LUGAR sa CEBU City
ANG Magellan’s Cross sa Cebu City ang pinaniniwalaang unang krus na itinirik sa bansa. Sinasabing inilagay ito sa utos ni Ferdinand Magellan.
KRUS NI MAGELLAN. Ilan sa pinaka importanteng simbolo ng Katolisismo sa Pilipinas ang matatagpuan sa Cebu City. Ang Magellan’s Cross. Ang mga bumibisita rito ay kadalasan na nag-iiwan ng isang maliit na donasyon.
BASILICA DEL SANTO NIÑO. Ito ang pinakamatandang simbahan sa Cebu at natatangi rin dahil sa arkitektura nito.
MOALBOAL. Dalawang oras na land trip mula sa Cebu City ang maliit na nayon ng Moalboal, isa sa may pinakamatandang dive resorts sa bansa. Mayroong ilang mga kamangha-manghang mga dive site dito. Maaari rin pasyalan mula rito ang kalapit na White Beach.
ANG Cebus Taoist Temple na matatagpuan sa Beverly Hills Subdivision ng Cebu City, na itinayo ng mga Chinese community noong 1972
CEBU TAOIST TEMPLE. Sa lugar na ito maaaring magpahinga pansamantala at manahimik ang turista dahil dito tiyak na matatagpuan ang lubos na katahimikan sa gitna ng isang aktibong lungsod. Matatagpuan ito sa tuktok ng isang bundok at matatanaw mula rito ang lungsod. Ang templo ay mayroon ding malagong hardin, estatwa, at mga dambana. Paalala lamgang sa mga pupunta rito: Magsuot ng damit o pantalon ang mga babae at pang itaas na may manggas; ang mga lalaki naman ay dapat naka polo o t-shirt na may kwelyo at manggas, at naka pantalon. Bawal dito ang mga nakasuot ka ng shorts at kamisetang walang manggas o sando.
Baguio City
Ang Baguio City ay isa sa pinakasikat na destinasyon para sa mga bumibisita sa Pilipinas dahil madali itong puntahan mula sa Maynila. Marami pang turistang bus na umaakyat kada oras patungo sa tinaguriang Summer Capital of the Philippines.
Maliban nalang kung tag-ulan at nagkaka landslide sa mga daang papasok ng Baguio, magaan ang pagbiyahe rito na tumatagal ng anim hanggang siyam na oras depende sa oras ng pag-alis sa Maynila. Karamihan sa pumupunta sa Baguio ay pinipiling magbiyahe mula alas dose ng gabi o sa madaling araw. Walang traffic at maaaring matulog sa bus at paggising napakagandang tanawin ang pagsikat ng araw sa bundok.
At, bukod sa angking kagandahan ng Baguio, higit na malamig rin ang klima rito kumpara sa ibang parte ng Pilipinas.
Sa TRINIDAD VALLEY na nasa outskirts lamang ng Baguio matatagpuan ang maraming strawberry farms na dinarayo ng mga bisita at kung saan nanggagaling ang malaking porsyento ng produksyon ng mga strawberry sa buong bansa.
Kasama sa mga lugar na dapat din bisitahin ay ang BAGUIO BOTANICAL GARDENS. Bukod sa mga halamang endemic sa Baguio, makikita rin dito ang exhibit ng mga bahay ng mga tradisyonal na tribu sa norte.
Maganda ring mamalagi ng ilang oras sa MINES VIEW PARK kung saan marami ang naiengganyong kumuha ng souvenir photos dahil napakaganda ang tanawin mula rito.
Paglabas naman ng bayan, maaaring bumisita sa ASIN HOT SPRINGS para sa isang nakakarelaks na langoy sa mainit na pool habang malamig ang paligid.
Sagada
Apat na oras na biyahe sa bus mula sa Baguio City ang magdadala sa bisita sa sikat na sikat na destinasyon na ito. Matatagpuan dito ang mga kakaibang tanawin tulad ng bantog na HANGING COFFINS kung saan ang mga ninuno ng mga taga Sagada ay nakalagay sa mga ataul na isinabit sa gilid ng mga bangin. Mahigit 2,000 na taon na ang tradisyong ito at ayon sa mga kwento, ang mga ninuno ng mga taga Sagada ay umuukit ng kanilang sariling mga kabaong sa kanilang katandaan bilang paghahanda sa kanilang patungo sa kabilang buhay. At mas mataas ang kinalalagyan ng ataul, mas mataas ang katungkulan sa tribu ng namatay. Hindi nakaugalian ng mga ninuno ang ilibing sa ilalim ng lupa ang kanilang mga patay.
Bukod sa hanging coffins, popular din sa mga spelunkers ang ilang mga kweba sa Sagada. Pinakasikat dito and SUMAGUING CAVES. Hindi biro ang pagpasok at pagbagtas sa kwebang ito. Humigit kumulang isang buong araw ang kakailanganin kung papasukin ang buong kweba at ang adventure na ito ay hindi para sa mahina ang loob at tuhod. Mayroong mga trained guide na maaaring bayaran upang ma-explore nang husto ang kwebang ito.
Hindi matatawaran ang kasiyahan na makakamit ng sinumang pumasok sa Kweba ng Sumaguing. Kamangha-mangha ang mga higanteng estatwa na tila sadyang inukit ng tao sa loob. Ngunit, ang mga naglalakihang rebultong bato ay nabuo sa loob ng kweba sa loob ng mahigit na daan-taon. Walang nakakaalam kung sino ang lumikha ng mga ito. Ilang halimbawa ng nakahigang babae na kagampan sa isang parte ng kweba. Naroon din ang tila higanteng ari ng isang matipunong lalaki.
Sadyang napakaraming nakamamanghang lugar sa ating bayan, kaya ano pang hinihintay mo, maglaan ng oras at mag-ipon upang marating ang mga nabanggit na katangi-tanging lugar sa ating Pilipinas. Sabi nga, bago pumunta sa ibang bansa, maging turista muna sa sariling bayan.