SENADOR Grace Poe
POL MONTIBON
TINAWAG na palusot ni Senador Grace Poe ang dahilan ng DOTr na dahil sa hindi pagbibigay ng emergency power sa pangulo kaya hindi maresolba ang matinding trapiko sa lansangan partikular dito sa Kamaynilaan.
Sa pagdinig ay sinabi ni Transport Sec. Arthur Tugade na kailangan ang emergency power para agarang masolusyunan ang krisis dahil mapapadali nito ang procurement at implementasyon ng kanilang programa.
Agad na iginiit ni Tugade na kung maaga sanang naibigay ito ay matagal na sanang natapos ang problema sa trapiko.
Bwelta ni Sen. Poe isang excuse o palusot na lamang ang hindi pagbibigay ng emergency power pero ang totoo ay nagkulang sa pagtratrabaho at pag-iisip ang ahensya para masolusyunan ito.
Ikinumpara naman ni Poe si Tugade kay Finance Sec. Carlos Dominguez na masipag makipag usap kung naniniwalang urgent ang isang panukala sa kaniyang ahensya.
Giiit din ng senadora kung certified as urgent naman ng pangulo ang emergency powers ay madali lang naman nila itong mapag uusapan at maipapasa gaya ng ginawa nila sa Bangsamoro Basic Law, TRAIN Law at sa Rice Tariffication Law.