HANNAH JANE SANCHO
KINUMPIRMA ng Department of Agriculture (DA) kamakailan na nakapasok na sa bansa ang African Swine Fever (AFS).
Ito ay matapos matanggap ang resulta ng blood test ng 20 blood samples na ipinadala sa United Kingdom upang alamin kung positibo ito sa (AFS). Labing-apat dito ang kumpirmadong may AFS.
Nitong Agusto isinailalim ng DA sa quarantine ang ilang barangay sa probinsiya ng Rizal matapos mapaulat ang kahina-hinalang pagkamatay ng mga baboy.
Agusto ng nakaraang taon ng magulantang ang buong mundo sa malawakang outbreak ng AFS sa China.
Maliban sa China apektado din ng ASF ang Russia, Poland, Ukraine, Romania, Moldova, Latvia, Belgium, Hungary, Czech, Bulgaria, Zambia at South Africa.
Dahil dito una nang iniutos ng DA na bawal ang pag-angkat ng pork at pork-based na produkto sa mga bansang apektado ng ASF.
Naniniwala si Agriculture Secretary Manny Piñol na posibleng nakapasok sa bansa ang ASF sa pamamagitan ng mga canned meat mula sa mga bansang apektado ng sakit at pinadala ng mga Overseas Filipino Workers sa kanilang mga kamag-anak sa bansa.
Posible rin aniya na naipakain sa mga baboy ang mga tira mula sa mga tahanan at restaurants na naglalaman ng canned meat na apektado ng ASF.
Gayunpaman walang direktang epekto sa kalusugan ng tao ang pagkain ng pork na positibo sa ASF dahil naapektuhan lang ng sakit ang baboy.
Karaniwang sintomas sa baboy na apektado ng AFS ay lagnat, pulang pantal sa katawan at pagdurugo ng internal organs.
Kapag may ganitong sintomas ang baboy ay posibleng baiwan ito ng buhay sa loob ng dalawa hanggang 10 araw.
Upang maiwasan na maapektuhan pa ang ibang baboy sa bansa ay dapat higpitan ang pagbabawal sa swill feeding o pagpapakain ng kaning baboy.
Dito mataas ang tsansang maipakain sa mga baboy ang mga pork at pork-based products na apektado ng ASF.
Dapat epektibo rin ang pagsawata sa mga airport at seaport ng mga pork-based products kung galing man sa mga bansang may ASF upang hindi pa madagdagan ang kaso sa bansa.
Una nang hinigpitan ng Bureau of Animal Industry ang ginagawa nitong quarantine upang tiyaking hindi sana makapasok ang ASF sa bansa.
Gayunpaman nakapasok pa rin dahil posibleng naipuslit sa mga padala ng mga OFW sa kanilang mga kamag-anak sa Pilipinas ang mga delatang imported na mula sa bansang may ASF.
Kapag lumala ang sitwasyon ng ASF sa bansa at maraming baboy ang mamatay ay malaki ang epekto nito sa industriya.
Ayon kay Rosendo So, chairman ng Samahan ng Industriya ng Agrikultura 95 na porsyento ng baboy na kinokonsumo ay lokal ang pinanggalingan.
Nawa’y hindi lang sa boodle fight ipakita ng mga opisyal ng DA na ligtas ang pagkain ng baboy sa bansa kundi pati na rin sa mga hakbang na makatitiyak sa proteksiyon ng supply nito sa bansa lalo na at maraming handaan ngayong BER season sa Pilipinas.