MGA tinaguriang “brain food” na dapat kasali sa isang balanced diet.
MARILETH ANTIOLA
BUKOD sa ating puso, ang ating utak ang may malaking ginagampanan sa ating katawan kaya sinasabing ang utak ay “palaging gutom” at siyang pangunahing kumukuha ng sustansiya ng mga pagkain na kinakain natin araw-araw.
May mga pagkaing mabisa at tumutulong sa pagpapatalas ng ating utak, pag enhance ng memorya at pagtulong sa konsentrasyon sa mga bagay na ginagawa mo.
- Matatabang isda (oily fish). Ang mga isda tulad ng salmon, tuna, tamban, tilapia at taba ng bangus ay may taglay na omega-3 fatty acids na nakakatulong upang maging maganda ang daloy ng dugo. At dahil dito, mababawasan ang tsansang magkaroon ng sakit sa puso ang taong madalas kumain nito.
- Mani.Malaking tulong ang mani sa pagpapatalas ng memorya ng isang tao. Ito ay nagtataglay ng good fats at vitamin E. Ayon sa mga pag-aaral, kapag mataas ang vitamin E sa iyong katawan, mas matalas din ang iyong pag-iisip. Pwedeng kumain ng walnuts, kasoy at nilagang mani; iwasan lamang ang pagkain ng pritong mani na may maraming asin. Kumain lamang ng 30 grams o isang dakot lamang ng mani dahit ito ay mataas rin sa calories.
- Avocado. Nakakapagpaganda ng daloy ng dugo sa utak ang avocado at dahil dito mas lalong makakapag-isip nang maayos ang sinumang kakain nito. Dahil ang avocado ay mayaman sa healthy fats (mono unsaturated fats) at vitamin B, mabuti rin ito sa mga taong may sakit sa puso, nakaranas na ng stroke at mataas ang blood pressure.
- Itlog. Ang itlog ay mataas sa choline, isang kemikal na kinakailangan ng ating utak. Mainam din ito para sa mga bata dahil nakakatulong ito para ma-develop ang kanilang utak at memorya nang maayos. Mataas din sa folate, iron at vitamin A ang itlog. Ngunit kung ikaw ay mataas ang cholesterol at may sakit sa puso, bawasan o limitahan ang pagkain ng itlog.
Ang mga ito ay mga masustansiyang brain food na dapat hindi magkulang sa ating diet.
Kaya hangga’t bata pa at habang maaga, piliin ang mga pagkain na higit na magpapatalas sa iyong utak at memorya tungo sa masiglang pangangatawan at masayang buhay.