FINAL selection ng 10 outstanding Filipinos na ginanap noong Hulyo 26 at 27 sa Metrobank Plaza, Makati City.
NI: STEPHANIE MACAYAN
INANUNSYO ng Metrobank Foundation ang 10 pinarangalan nila ng 2019 career service award para sa nangungunang manggagawang Pilipino sa larangan ng edukasyon, military at police.
Ngayong taon apat na guro, tatlong sundalo at tatlong pulis ang kinilala dahil sa pagbibigay ng tunay ng serbisyo sa kanilang tungkulin at marangal na pagtatrabaho.
Ang mga gurong pinarangalan ay sina Dorothy Tarol ng Special Education-Integrated School for Exceptional Children sa Iloilo City, Cristina Cristobal ng Philippine Science High School main campus sa Quezon City, Ricardo Jose ng University of the Philipines-Diliman, at Eva Maria Cutiongco-de la Paz ng UP Manila.
Nagbigay naman ng pahayag ang Department of Education (DepEd) patungkol sa programang ito, ikinatuwa ni DepEd Secretary Leonor Magtolis Briones ang pagpili sa apat na guro para sa prestihiyosong parangal.
“Congratulations for making it this far and may you serve as an inspiration to our 800,000 teachers all over the country,” aniya sa isang interbyu.
Ayon kay Briones, masaya siya sa lahat ng guro na nagbibigay ng taos pusong paglilingkod para sa mga Pilipinong gustong matuto at pagbibigay ng tsansa na mabigyan ng maayos na kinabukasan.
Ang napili namang mga sundalo ay sina M/Sgt. Ramil Caporas ng Explosive Ordnance Disposal Battalion ng Army; Maj. Romulo Dimayuga ng Force Reconnaissance Group of the Philippine Marine Corps; at Lt. Col. John Paul Baldomar ng Office of the Deputy Chief of Staff for Operations ng Armed Forces of the Philippines.
Sa mga pulis naman ay sina Chief M/Sgt. Marsha Agustin ng Women and Children Protection Center sa Camp Crame, Maj. Robert Reyes ng Counter Intelligence Task Force of the Philippine National Police, at ang Batangas provincial police director Col. Edwin Quilates.
Ang bawat isa sa mga awardee ay nakatanggap ng P1 million, gold medallion at isang tropeo.
Kilalanin ang mga awardees
Si teacher Dorothy Tarol ay kampeon ng inclusive education lalo na ang kaniyang ginawa na action research upang mapahusay ang pangunahing kasanayan sa literacy ng mayroong hearing impairment o mga taong may kapansanan sa pandinig.
Samantala, si Cristina Cristobal ay kinilala dahil sa mahusay na pagtuturo ng Philippine history sa kaniyang mag-aaral sa pamamagitan ng paghikayat sa mga hands-on na karanasan gamit ang mga primary sources tulad ng pagdo-dokumento, sulat, interbyu at marami pang iba.
Si Ricardo Jose naman ay kilala bilang pangunahing iskolar ng World War II sa Pilipinas at ng Asia-Pacific, at si Eva Maria Cutiongco dela Paz naman ay kinilala dahil sa mga nilikhang gawa sa clinical genetics at pagbibigay pansin sa mga genetic disorder.
Ang sundalong si M/Sgt. Ramil Caporas ay napuri dahil sa pag-buo ng mga gamit para sa matagumpay na operasyon noong bakbakan sa Marawi. Si Maj. Romulo Dimayuga naman ay napili naman para sa kanyang pagganap ng tungkulin sa matagumpay na counter-insurgency operations ng Marines sa lugar na noon ay kontrolado ng mga rebeldeng komunista.
Samantala, si Lt. Col. John Paul Baldomar naman ay kinilala dahil sa maayos na pamumuno sa kanyang transformation journey.
Sa kapulisan naman, si Chief M/Sgt. Marsha Agustin ay napili dahil sa pag integrate niya ng social work sa kaniyang propesyon at siya rin ay co-author ng manual na malawakang ginagamit ng police forces ng bansa pagdating sa paghawak ng kaso sa human trafficking.
Si Maj. Robert Reyes naman ay kinilala dahil sa galing nito sa cybercrime investigation at ang pagkusa niya na ibahagi ang kaalaman sa imbestigasyon pagdating sa human trafficking.
Si Col. Edwin Quilates, provincial director ng Batangas police ay nakilala naman sa pangunguna sa paggawa ng istratehiya para sa epektibong pagkilos ng local forces, kung saan matagumpay na na-aresto ang mga notorious na mga kriminal at bumaba rin ang bilang ng crime rate sa kaniyang probinsya.
Proseso sa pagpili ng pararangalan
Ayon sa Metrobank Foundation, ang mga awardee ay pinili sa kanilang pagsasagawa ng programa na naaayon sa kanilang tungkulin na nakapagbibigay ng inspirasyon at impluwensya sa mga tao sa kanilang komunidad.
“Their works must have transformed a community with a lasting positive impact on people and to the country,” dagdag pa ng foundation.
Nabanggit din ng Metrobank Foundation na ang 10 ay isinailalim sa mahigpit na proseso ng pagkilatis sa daan-daang mga nominado.
Matapos ang ilang buwan na pag-review ng mga dokumento, background check, at mga nagawa ng mga propesyonal at community service sa semi-final stage ng board of assessor at third party validators, nakuha ang 18 finalist na napili mula sa 240 na mga nominado sa ngayong taon. Ang mga finalist ay humarap sa final board ng hurado, multi-sectoral jury, at panel interview para sa parangal.
Ang mga panel na pumili para sa 2019 awardees ay sina co-chair Sen. Sherwin Gatchalian at Supreme Court Associate Justice Alexander Gesmundo.
Ang iba pang miyembro ay sina Department of Human Settlements and Urban Development Secretary and Task Force Bangon Marawi Chairman Eduardo del Rosario; University of Asia and the Pacific president Winston Conrad Padojinog; Military Ordinariate of the Philippines Bishop Oscar Jaime Florencio; PHINMA Corp. President and Philippine Business for education chairman Ramon Del Rosario Jr.
Kasama rin sa panel ang Yan Kee Foundation Inc. treasurer Jaime Bautista, Management Association of the Philippines president and Sun Life Financial Philippine Holding Company chairman Rizalina Mantaring, and GMA vice president for professional development and broadcast journalist Howie Severino.
Ang Metrobank Foundation Outstanding Filipinos ay isa sa pinaka-prestihiyosong career-service award para sa mga Pilipino na nasa sektor ng edukasyon, militar, at ng kapulisan.