COLUMN NI MONTEMAR
NOONG 1988 naimbita ako ng ilang kaibigan na nakipamuhay sa Smoky Mountain. Halos isang linggo rin kaming namalagi roon. Sikat na sikat ang Smoky noon. Na-feature pa ito sa Time o Newsweek magazines; may sikat pang pop group na pinangalan sa kanya.
Para sa mga hindi na alam kung ano ang Smoky Mountain, ito ‘yung bundok-bundok na basura sa may Tondo na ginawang kabuhayan at tirahan noon ng mga maralitang taga lunsod.
Isang umagang mahalimuyak sa methane mula sa nabubulok na gabundok na basura, napansin ko ang isang bata sa gitna ng Smoky Mountain. Tanong ko sa bata na akala ko’y nagluluto-lutuan lang “Ano ‘yan?”
“Kuya, altanghap,” sagot ng paslit.
Ano raw? Altanghap? 1988. Eighteen years old na ako noon. Sandamukal na nabasa ko pero noon ko lamang narinig at nakilala kung ano ang “Altanghap.”
“Kuya, almusal, tanghalian, AT hapunan. Ito na pagkain ko para sa buong araw. Madalas naman ‘sang beses lang akong kumakain dito sa Smoky.”
Tinanggal ko ang aking antipara (salamin o shades) at nilapit ko ang aking mukha sa niluluto niya. Isang de lata na may kung anong laman at sa gilid may mga tanda ng isang uri ng fungus. Naisip ko, mushroom at cheese, fungal din naman. Pero iba ‘to. Pinigil ko ang pagngiwi.
“San mo nakuha ‘to?” tanong ko.
“D’yan lang kuya. Swerte ko nga at di agad nakita ng iba. Iinitin na lang yan.”
Sa bilog na bunganga ng lata, nakita ko ang isang blackhole na gaya ng nilalarawan ni Stephen Hawking. Humihigop siya ng lahat, pati na ilaw — lahat ng sinag ng kasiyahan at pag-asa.
Nanlumo ako… pero tuloy ako sa pagngiti’t nakipagkwentuhan.
Dalawang araw matapos ang aking close encounter na iyon sa isang Social Blackhole, ito pa ang isang nakita ko sa Smoky Mountain. Isa namang Quasar—isang maningning na sinag na kumukuti-kutitap. Nasalubong ko ang isang matandang lalaking nakatalungko sa tabi ng isang bahay na tila, kaka-demolish lamang.
Wika niya sa akin, “Kasama ka ba noong mga taga-UP?”
“Opo, Manong,” tugon ko.
At bigla siyang nag-lecture sa akin. Nagulat talaga ako.
Heto ang buod ng kanyang sinabi…
Kayong mga taga-UP, maswerte kayo. Nakapag-aaral kayo. Nakakakain kayo ng maayos kumpara sa amin. May bukas pa kayo. May pag-asa.
Ako, matanda na. Wala na akong pag-asa sa buhay. Dinatnan niyo akong ganito, at lilisan ninyo ako nang ganito.
Pero salamat sa pag-asang kahit papaano’y dala ninyo para sa mga bata ng Smoky Mountain. Salamat sa pag-alala sa amin at sa interes na kilalanin pa kaming mga nasa gilid ng lipunan. Hindi naman kasi kami talaga makakatuntong sa UP kaya mabuti naman at kayo na ang dumadalaw at tumutuntong sa bundok namin.
May SM kayo, may SM kami. Mabango ang sa inyo at malamig at presko. Mabaho dito sa amin, masangsang, mainit, maalinsangan.
Ang tanong, sa inyong paglisan, ano na ang gagawin ninyo?
Sana sa pagbalik niyo sa pamantasan, maalala niyo kami at kung anong buhay ang mayroon dito. Sana sa mga aklat ninyo, maisulat man lang na may Smoky Mountain. Isang lugar na walang mga kalye at maraming kalyo.
Sana maalala ninyo at may magawa pa kayo para sa amin… salamat sa pagbisita.
Natulala ako. Sa dami ng lecture na pinakinggan ko sa UP at sa sandamukal na diskusyong sinalihan ko na sa mga tambayan at lansangan, iyon ang diskursong tunay na kumurot sa aking puso.
Kung sino man siya, siya yung mala-blackhole na patuloy na lumilikha ng sinag ng pag-asa at sigla sa aking kaloob-looban. Siya yung Quasar na kumukuti-kutitap sa gitna ng karimlan at nagbibigay direksyon sa aking patuloy na pag-aaral sa lipunan.
Sa madaling salita, sa Smoky Mountain ko tunay na nakuha ang aking diploma at pinakamainam na edukasyon hinggil sa agham panlipunan.
Altanghap. Hindi ‘yan breakfast. Hindi ‘yan diet.
Naalala ko ito sa harap ng lahat nang nangyayari ngayong pagbabago sa Maynila. Ano ba ang nababago? Ano ba ang dapat baguhin talaga? Dapat yatang alalahanin ang altanghap, hindi lang ang gedli, tolonnges, o si Eddie ni Yorme.