LARAWAN na ipinapakita kung gaano kagaan sa pakiramdam ang Malapascua Island dahil sa natural at natatangi nitong ganda.
Ni: Champaigne Lopez
OOPS! Tama na muna ang kakatrabaho! Hinay-hinay lang at baka hindi na gumalaw. Magpahinga, mag-refresh at mag travel. Deserve mo ‘to. Kaya, tara na sa South.
Nais mo ba na mag move-on? Gusto mo bang lumayo sa syudad na puro ingay at polusyon? O gusto mo lang magpahinga at makakita ng magandang tanawin? Pwes, kung ito ang hanap mo, tiyak masusulit ang bakasyon mo sa Malapascua Island.
Ang Malapascua ay matatagpuan sa hilagang parte ng Cebu. Kilala ang isla na ito dahil sa Monad Shoal Dive Site kung saan madalas makita ang mga malulusog na pating na siya ngayong main attraction doon.
MALINIS at puting buhangin ang unang bubungad saiyo pagdating mo ng Malapascua Island.
Ang Malapascua ay isa sa maliliit na isla sa buong Pilipinas at dahil sa maliit lang ito ay mas napapangalagaan ito ng mga taga roon kaya buhay na buhay ang mga isda at mga coral sa dagat. Napapasama rin ang Malapascua Island sa mga islang may malinis na puting buhangin at kakaibang rock formation.
Mga dapat gawin sa isla
- Lumangoy at ikutin ang buong isala. Sulitin ang pagpasyal sa paligid at mag unli-selfie kahit saan. Isuot na ang inyong pinaghandaang ootds o swimwear at magpakababad sa dagat. May mga cove din na matatagpuan dito na maaring pasukin.
- Mag snorkel at libutin ang mga isla. Huwag palampasin ang kagandahan sa ilalim ng dagat at mag-island hopping nang makita ang iba pang makapigil hiningang ganda ng iba pang isla. Ang boat rental para sa island hopping na may kasamang snorkeling ay nagkakahalaga ng P1,200 para sa isa o dalawang tao. P1,500 naman para sa grupo ng apat o lima.
- Diving. Kilalang diving site ang Malapascua kaya’t huwag na magpahuli at subukan na rin ito. Maraming resorts sa isla kung saan maaaring mag-dive tulad sa Thresher Cove resort, Ocean Vida dive resort at Little Mermaid dive resort.
- Cliff diving. Harapin ang iyong takot at subukan na ito sa Malapascua Island at siguradong hindi mo ito malilimutan. Ngunit siguraduhin na may kasama na propesyonal o marunong lumangoy upang maiwasan ang ano mang disgrasya na maaring mangyari.
- Panoorin ang sunrise at sunset. Isa ang Malapascua sa may pinakamagandang spot para panoorin ang paglitaw at paglubog ng araw. Siguradong malilimutan mo ang iyong mga problema.
Saan maaaring tumira sa isla?
Kung napagod ka sa mga ginawa mo sa isla ay tiyak makakagpahinga ka sa mga room/hotel na maaaring rentahan sa Malapascua Island gaya ng:
- Malapascua Garden Resort — Logon Village, Daanbantayan
- Thresher Cove Resort — Logon Village
- Slam’s Garden Resort — Logon, Daanbantayan
- Hippocampus Beach Resort — Bounty Beach, Logon
- Blue Corals Beach Resort — Logon, Daan-Bantayan
Mga kainan sa isala
May kamahalan ang mga pagkain sa isla dahil sa ito ay sikat na tourist destination at madalas mga foreigners ang kumakain dito. Ngunit may mga restaurants naman na kaya pa rin ng budget.
- Ging-Ging’s Restaurant — Sa halagang P100 matitikman mo na ang kanilang main dish.
- Ocean Vida Restaurant — Bukas simula 7:30 ng umaga hanggang 11 ng gabi. Mayroon silang Asian at European Food.
- Magellan’s Bar and Restaurant — Sikat sa kanilang barbeque at seafood na mabibili mula sa P250 pataas.
Paano pumunta sa isla?
- Magbook ng flight sa Mactan International Airport sa Cebu City. Ang Cebu Pacific, Philippine Air Asia at Philippine Airlines ay may daily trips papuntang Cebu at aabot ng 50 minutes ang oras ng biyahe.
- Kumuha ng taxi mula sa airport papuntang North Bus Terminal; 20-30 minuto biyahe.
- Galing sa Cebu City North Terminal, sumakay ng Ceres Bus papuntang Maya Port sa Daanbantayan. Aabot sa apat hanggang limang oras ang biyahe.
- Sumakay ng bangka mula sa Maya port papuntang Malapascua. Alas siyete ng umaga ang unang biyahe na aabutin lamang ng isang oras.
- Simula Malapascua ay maari kang maglakad o maghabal-habal papunta sa iyong pinareserve na resort.
Mga dapat tandaan
- Siguraduhin na may dalang sapat na cash dahil walang ATM na malapit sa isla at magkaroon ng budget plan upang hindi maubusan ng pera.
- Ang mga plastik straw ay ipinagbabawal sa isla kaya’t maging reponsable sa mga basura at itapon ito sa tamang basurahan.
- Huwag mag-uwi ng buhangin.
- Magdala ng dry bag at protektahan ang mga gadgets upang hindi ito mabasa at masira.
- Planuhin nang maiigi ang buong bakasyon, mag-set ng itinerary at policies kung marami kayo upang maiwasan ang ano mang disgrasya.
- Mag-dasal bago umalis at bago umuwi at higit sa lahat mag-enjoy!