HANNAH JANE SANCHO
PAG-AMYENDA sa Human Security Act magiging susi para mapawalang bisa ang batas militar sa Mindanao na unang idineklara noon 2017 nang iproklama ito ni Pangulong Rodrigo Duterte kasabay ng pag-suspendi sa writ of habeas corpus sa buong Mindanao sa pamamagitan ng Proclamation Order No. 216; makailang ulit na rin na-extend ang batas militar doon.
Ngunit, ito nga ba ang kasagutan?
Idineklara ang martial law sa buong Mindanao matapos sumiklab ang kaguluhan sa Marawi na sinakop ng teroristang Maute group. Nagresulta ito sa matinding pagkawasak ng siyudad at displacement ng halos buong populasyon ng kaisa-isa at natatanging pangunahing Muslim City sa Mindanao. Ito rin ang simula ng pagbabago sa buhay ng marami nating kababayan na Bangsamoro.
Mula pa sa Moscow dinesisyunan at pinirmahan ang deklarasyon ng martial law dahil kasagsagan ito noon ng state visit ng Pangulo sa Russia.
Ang idineklarang batas militar noong Mayo 23, 2017 ay dapat epektibo lamang ng 60 araw ngunit pinagbotohan at sinangayunan ng Kongreso ang ekstensyon nito hanggang Disyembre 31, 2017. Magmula noon, dalawang beses pa ito napalawig ng isa pang taon.
Oktubre 23, 2017 nang tuluyang mapalaya ang Marawi sa kamay ng mga terorista at magmula noon nanatili pa ring nasa ilalim ng batas militar ang buong Mindanao.
Marami sa mga taga Mindanao ay nasanay sa martial law dahil na rin sa seguridad na naidudulot nito sa kanila at iba rin naman ang implementasyon nito kumpara sa madugong batas militar sa panahon ng diktadurya ni dating pangulong Ferdinand Marcos.
Isa kasi ito sa tiniyak ni Pangulong Duterte —na ang martial law na kaniyang ipinatutupad ay hindi maikukumpara sa batas militar ng regimeng Marcos.
Gayunpaman sa nakalipas na dalawang taon magmula nang maideklara ang martial law, naniniwala si Davao City Mayor Sara Duterte na panahon nang ma-exempt ang kaniyang lalawigan sa coverage nito.
Para sa nakababatang Duterte mas mainam na ipatupad na lamang ang martial law sa mga ilang piling lugar sa Mindanao na sa tingin ng sangay ng gobyerno na nangangasiwa sa seguridad ng bansa ay dapat pang matutukan.
Ipinahayag ito ni Sara Duterte matapos nitong makapulong ang ilang ambassadors sa bansa sa isang business forum na dinaluhan nito sa Mindanao.
Ilan sa mga embahador na nakausap ni Inday Sara ay sina European Union Ambassador Franz Jessen, Romanian Embassy Chargé d’Affaires Mihai Sion, Swedish Ambassador Harald Fries, Dutch Ambassador Saskia de Lang, at Hungarian Ambassador Jozsef Bencz.
Matapos ang ilang linggo, gumawa ng isang resolution ang Davao City Council na humihiling kay Pangulong Duterte na mai-lift ang martial law sa Davao City.
Ngunit para kay Senator Christopher Lawrence “Bong” Go hindi pa handa ang Davao City para dito.
Paliwanag ni Go na kilalang dating special assistant to the president, na kapag nangyari ito posibleng maging takbuhan ng mga masasamang elemento ang Davao City.
Magiging mas delikado ito sa seguridad ng siyudad, ayon kay Go.
Hindi rin daw sang-ayon si Pangulong Duterte dito sabi naman ni Cabinet Secretary Karlo Nograles.