HANNAH JANE SANCHO
WALANG epekto sa bilateral relations ng Pilipinas sa 18 bansa ang naging utos ni Pangulong Rodrigo Duterte na pagsuspinde sa anomang grants o transaksyon mula sa mga bansang bumoto pabor sa resolusyon ng Iceland na paimbestigahan ang umano’y human rights violation sa ilalim ng war on drugs ng administrasyon.
Ito ay ayon kay Presidential Spokesperson Salvador Panelo dahil hindi lang naman limitado sa loans ang bilateral relation ng Pilipinas sa ibang mga bansa.
Halimbawa aniya, ang away ng Pilipinas at China, kahit na mayroong isyu na kinahaharap ang dalawang bansa, marami pa rin naman aniyang aspeto ang maaaring pag-usapan.
Ibig sabihin lamang nito, na ang problema sa isang usapin ay hindi nangangahulugan na problema rin sa iba pang usapin.
Sa kasalukuyan, ayon kay Panelo, wala pa naman silang nakikitang adverse effect at wala pa rin naman silang naririnig na reaksyon mula sa mga bansang ito, at tanging ang mga kritiko lamang aniya ang bumabatikos.