Cresilyn Catarong
NAGPALIWANAG ang Department of Budget and Management (DBM) hinggil sa mas mataas na pondo na hinihingi ng Office of the President para sa taong 2020.
Ayon kay DBM Acting Secretary Wendel Avisado, ang hirit na dagdag na budget ay upang tugunan ang isyu ng seguridad sa bansa lalo na sa usapin sa West Philippine Sea.
Dagdag pa ni Avisado, kailangan din ang naturang pondo para sa kaayusan at kapayapaan sa mga lugar sa Pilipinas na magulo pa kasabay ng kinakailangang suporta para sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao Normalization Program.
Kaugnay naman nito ay tiniyak ng DBM na maisailalim pa rin ito sa pagsusuri ng Commission on Audit (COA) upang masigurong magagamit sa tama ang pondo.
Sa proposed 2020 National Budget, nasa 8.2 billion ang hinihinging budget ng Office of the President, kumpara sa 6.7 billion lamang nitong 2019.
Kung titingnan ang confidential at intelligence fund, nasa isang bilyon ang itinaas ng budget nito na nasa 2.25 billion para sa 2020 mula sa 1.25 billion noong 2019.
Samantala, naglabas ng kautusan si Pangulong Duterte na pabilisin ang pagre-release ng mga pondong nasa ilalim ng 2019 National Budget.
Ito’y upang magamit na at tuloy-tuloy ang pagsulong ng mga proyektong pinaglaanan nito.
Dahil sa naranasang pagka-antala ng pagpasa ng budget para sa 2019, kailangang maisulong ang pagre-release at paggastos ng pambansang budget para maka-recover ang gobyerno sa naranasang growth slump.