NANANAWAGAN ngayon ang mga kongresista na may-akda ng Department of Disaster Resilience Bill o (DDR) Bill na agad itong aprubahan sa komite.
Sinimulan nang talakayin ng House Committees on Government Reorganization at Disaster Management ang 20 panukalang batas na layong magtayo ng nabanggit na ahensya.
Ayon kay Albay Rep. Joey Salceda, halos pare-pareho lamang ang nilalaman ng mga panukala kaya dapat na madaliin na ang pag-apruba sa panukala na ipapalit sa National Disaster Risk Reduction and Management Council o NDRRMC.
Kailangan aniya na magkaroon na ng national agency na siyang magsi-centralize sa rehabilitation, rescue, response, recovery at reconstruction tuwing may kalamidad.
Sinabi ni Salceda na dapat maiwasan ang nangyari noong Typhoon Yolanda kung saan libu-libo ang namatay at milyun-milyong ari-arian ang nasira.
POL MONTIBON