Ni: STEPHANIE MACAYAN
ANG mga activity tracking device ay maaring makatulong sa pagbigay ng motibasyon upang pagsikapan ang ehersisyo para sa maayos na pangangatawan. Makakatutulong din ito sa pagpapabago sa nakasanayang routine ng bawat indibidwal.
Marami nang naglalabasang iba’t-ibang uri ng teknolohiya na gamit para sa pagpaganda ng hubog ng katawan.
Nasubukan mo na ba gumamit ng tracking device na nasusuri ang iyong bawat takbo at lakad, tibok ng puso, at oras ng pagtulog? Must-have gadget ito ngayon ng maraming nagiging aktibo. Ang ganitong mga tracker na nasusuot lamang sa katawan ay madami na at mabibili sa resonableng halaga sa merkado.
Ayon sa mga eksperto ang hindi pagkakaroon ng pisikal na aktibidad ay maaring magdulot ng panganib sa ating pangangatawan. Ang pagiging aktibo ay nagsisilbing susi sa pangmatagalan na pagbaba ng ating timbang at pagkakaroon ng maayos na pagiisip. Isa pa, dapat maintindihan din kung gaano kahalaga sa ating buhay ang regular na pag-ehersisyo.
Ngunit marami pa rin ang nahihirapang humanap kung saan huhugot ng lakas upang maumpisahan ang regular at tamang pag-ehersisyo. Marami ng pag-aaral ang nagpatunay na ang paggamit ng smart watch ay nakakatulong upang mabantayan ang mga gawain. Nariyan din ang mga basic pedometer na kayang bilangin ang bawat hakbang araw-araw.
Isa ang Fitbit sa nangungunang fitness product ngayon, mayroong Fitbit Versa Lite na ang style ay katulad ng smart watch na may screen. Ang Fitbit Charge 3 naman ay tracker na mukhang band ngunit hindi ito relo. May pagkakatulad ito sa Versa Lite pagdating sa system. Para naman sa mga nagtitipid, ang pinakamura sa lahat ay ang Fitbit Inspire HR.
Ngunit hindi ibig sabihin nito na mayroon ka ng ganitong mga teknolohiya ay mapapanatili ang ganda ng hubog ng katawan dahil ang mga ito ay malaki ang maitutulong ngunit higit sa lahat, kailangan pa rin ng disiplina at patuloy na regular at tamang pag-ehersisyo.