HANNAH JANE SANCHO
MARAMI sa ating mga kababayan na nakakulong ang umaasa na isang araw ay muling makasama ang kanilang mga mahal sa buhay matapos ang maraming taon sa piitan.
Isa sa kanilang pinanghahawakan ay ang Good Conduct Time Allowance (GCTA) Law.
Layunin ng Republic Act 10592 o Expanded GCTA Law na hikayatin ang mga Persons Deprived of Liberty na gumawa ng mabuti habang nasa kulungan upang mabawasan ang haba ng panahon ng kanilang pagkakakulong.
Ngunit matapos mailadlad ngayon sa publiko ang scam sa pagpapatupad ng GCTA Law marami ngayon ang nagtatanong saan nga ba nagkaroon ng pagkakamali.
Maganda ang layunin ng batas ngunit malaki ang naging pagkakamali sa pagpapatupad nito.
Nagsimula ang kontrobersiya matapos ianunsiyo ng Bureau of Corrections na nasa 11,000 mga inmates ang kwalipikado sa GCTA Law at nakatakdang pakawalan.
Magandang balita ito lalong lalo na doon sa mga matagal na at tumanda na sa loob ng kulungan at naging maganda naman ang kanilang pamumuhay na mabigyan na ang matagal na nilang minimithing kalayaan matapos pagbayaran ang mga nagawa nilang kasalanan.
Pero nang maibunyag na kabilang dito si dating Caluan Mayor Antonio Sanchez na convicted ng rape at murder, dito nagsimulang kwestiyunin ng mga mambabatas at ng taumbayan ano ang naging basehan ng Bureau of Corrections para pakawalan ang tulad ng mga nakulong dahil sa heinous crimes.
Dito nakita na hindi malinaw sa Implementing Rules and Regulations ng Expanded GCTA Law na binuo sa pangunguna ni Senador Leila De Lima noong siya ang kalihim pa ng Department of Justice at dating Interior Sec. Mar Roxas kung kabilang ba sa beneficiary ng batas ang mga na-convict ng heinous crimes.
Kung hindi dahil sa isyu ni Mayor Sanchez at hindi nagkaroon ng pagdinig sa kongreso hindi malalaman ng publiko na mula noong 2014 hanggang taong kasalukuyan ay libu-libong heinous crimes convict ang napalaya ng gobyerno.
Sa pagdinig din ng Senado naibunyag ang matinding korapsyon sa Bureau of Corrections para mapalaya ang mga mayayaman sa pamamagitan ng GCTA Law.
Dahil dito iniutos ni Pangulong Duterte ang pagsibak kay BuCor Chief Nicanor Faeldon at pagpapaaresto muli sa nasa halos 2,000 napalaya sa ilalim ng GCTA Law.
Marami sa mga napalaya ang agad na sumuko sa takot na kapalit ng panibagong kalayaan ay ang kanilang kapahamakan kapag hindi tumalima sa utos ng Pangulong Duterte.
Nagbigay naman ng katiyakan ang pangulo na agad din naman silang makakalaya kapag napatunayan sa recomputation na kwalipikado silang lumaya at hindi nakulong dahil sa karumaldumal na kasalanan.
Nailabas din kasi sa pagdinig na maliban kay Mayor Sanchez ay kabilang din ang Pork Barrel Scam Queen na si Janet Napoles sa inihahanay na mapalaya sa ilalim ng GCTA Law.
Nais ng pamahalaan na maging reformative ang pagkakulong ng mga persons deprived of liberty.
Na habang nasa kulungan sila ay magbago sila at maging productive sa pamamagitan ng mga livelihood programs ng pamahalaan para sa kanila.
Imbis na mamuhay sa pagkakamuhi at pagkakaroon ng VIP treatment sa loob na matagal nang naibunyag sa publiko.
Marami ang umaasa na ngayong nailahad sa publiko ang mga baho sa BuCor ay tuluyan nang matuldukan ito.
Sa usapin ng accountability ng pagkakapasa ng batas at pagbuo ng IRR na hindi malinaw ay agad na itong iniayos ng DILG at DOJ.
Ginawa na ngayong malinaw sa nirepasong IRR ng GCTA Law na hindi kwalipikado ang mga naconvict sa heinous crimes.
Imbis na magturuan ang administrasyon at oposisyon kung sino ba ang dapat may pagkakamali ay dapat ituon na lang ang atensiyon sa kung paano ito masosolusyunan lalo na sa reporma sa BuCor.