MELODY NUÑEZ
NAGSALITA na rin ang ina ng aktor na si Gerald Anderson sa kinasasangkutang kontrobersya ng kanyang anak kasama ang dalawang aktres na sina Bea Alonzo at Julia Barretto.
Aminado ang ina ni Gerald na si Evangeline Opsima na nasasaktan siya sa mga naririnig laban sa kanyang anak lalo na ang mula kay Bea at kampo nito.
Akusa ni Opsima kay Bea na lagi nitong pinapatamaan si Gerald na tila napakasamang tao ng kanyang anak.
Ayon sa ina ng aktor, napaka-unfair na noong maghiwalay ang aktres sa dating kasintahan na si Zanjoe Marudo ay hindi ito nagsalita pero sa kaunting pagkakamali lang aniya ni Gerald ay agad nang lumalabas sa TV.
Aniya, dapat pinag-usapan na lamang nina Bea at Gerald ang kanilang problema sa halip na isinapubliko.
Inamin din ni Opsima na hindi niya gusto si Bea bilang girlfriend ng anak pero wala aniya siyang magagawa dahil mahal ito ni Gerald.
Samantala, pinayuhan naman nito si Julia na huwag nang ituloy ang pakikipagrelasyon kay Gerald dahil hindi rin magtatagal ang mga ito sa industriya na kanilang ginagalawan.
Gayunman, nilinaw ni Opsima na hindi siya aware sa anumang relasyon sa pagitan ng kanyang anak at ni Julia.
Matatandaang una nang itinanggi nina Gerald at Julia ang umano’y relasyon nila.