Larawan mula sa pelikulang Kung Paano Siya Nawala
Ni: STEPHANIE MACAYAN
BALIK showbiz muli si JM De Guzman matapos ang ilang taon nito sa rehab center at pakiramdam niya ay nagsisimula siyang muli sa kaniyang career.
Si JM ay sumabak sa showbiz noong siya ay dose anyos pa lamang sa pamamagitan ng youth-oriented show ng ABS-CBN na Ang TV 2 mula 2000 hanggang 2001. Dito ay nakasama niya sina Denise Laurel at Shaina Magdayao.
Nabigyan naman ng malaking break si JM nang gumanap sa re-make ng Mula sa Puso noong 2011. At mas nahubog ang talento sa pag arte ng drama sa karakter niyang si Angelito sa isang teleserye sa hapon na pinamagatang Angelito: Batang Ama noon namang 2011.
Dahil sa tagumpay ng teleseryeng ito, nagkaroon ito ng sequel na pinamagatang Angelito: Ang Bagong Yugto noong 2012. Sa mga panahong ito dito din nalulong sa ipinagbabawal na gamot si JM at siya ay sumailalim sa drug rehab noon ding taon na yoon.
Buhay rehab
Taong 2012 nang unang mapasa-ilalim ni JM sa rehab ngunit ilang buwan lamang ang kaniyang tinagal at hindi na niya ito tinapos dahil iniisip niya na siya ay magaling na kaya nagbalik showbiz. Noon din ay nabigyan siya ng malalaki at magagandang proyekto.
Ngunit, taong 2015 bumalik ang aktor sa paggamit ng bawal ng gamot at nagkaroon ng relapse. At ito ang pangalawang beses niya na pumasok sa rehab center sa Talisay, Batangas, ang Self Enhancement For Life Foundation. Tumagal ng tatlong taon ang kaniyang pamamalagi dito. Taong 2018 ay nagtapos siya sa SELF Treatment, Rehabilitation & Value Formation Program.
Sa isang ekslusibong panayam ng PEP.ph kay JM ibinahagi niya ang ilang hindi nalilimutang pangyayari sa loob ng rehab center. At ano naman kaya ang ibig sabihin ng pagtatapos niya sa SELF Treatment, Rehabilitation and Value Formation Program?
“Actually, yung graduation is just parang checkpoint lang para ma-feel namin na [kaming] recovering people, na we’ve achieved something.
“Nakakatulong yun sa amin na, yes, natapos namin yung [program], pero hindi pa dun natapos yung recovery.
“Para lang sa sarili namin yun. Hanggang ngayon, connected pa rin ako sa kanila, sa counselor ko, sa mga peers ko.
“Hindi naman kasi titigil yung struggle, e. Baka mag-trigger… yung mga sitwasyon o mga circumstances na maging dahilan para bumalik sa dati or bumagsak ulit.
“So, araw-araw siyang battle,” sabi ng aktor.
Comeback movie
Taong 2018 nang muling magkaroon ng big break si JM at dito pinagbidahan niya sa big screen ang Kung Paano Siya Nawala; leading lady niya rito si Rhian Ramos. Ito rin ang unang pagkakataon na nagka-trabaho ang dalawa. Ano naman kaya ang saloobin ng dalawa sa kanilang pinagbibidahan na pelikula?
“Feeling ko ano, although kakaiba ‘yung pagkakwento niya, kasi parang may pinasok silang condition na hindi common, yung face blindness, yung hindi siya nakakarecognize ng mga mukha, hindi niya nakikita ‘yung difference from one person to the other. Pero nakaka-relate siya sa kwento kasi ‘yung mga insecurities na ipinapakita sa movie is for everyone,” sabi ni Rhian sa isang panayam.
At sinabi din ni Rhian na matagal na niyang nabasa ang script ng pelikula at kaagad na nagustuhan ang istorya.
Sinabi din ng aktres na hindi mahirap makatrabaho si JM kahit na unang beses pa lamang nilang magtambal sa proyekto.
“Sobrang blessing siya. Hindi ko rin ini-expect na bibigyan ako ng opportunity ng TBA. Mas challenging, mas iba, iba ‘yung experience,” ani ni JM.
Isa rin ang Last Fool Show sa comeback movie ni JM kung saan ang leading lady naman niya ay si Arci Muñoz na napanood sa big screen noong nakaraang Abril lamang.
Ang comebcak teleserye naman ni JM ay ang Araw Gabi noong 2018. Minahal ng marami ang teleseryeng ito dahil sa kakaiba nitong storya, at dito nakatrabaho naman niya si Barbie Imperial.
Paliwanag naman ni JM sa kanyang interbyu sa PEP.ph na ayon sa kanyang home network at rehab center, hindi siya dapat biglain sa trabaho.
“Actually, nung start pa lang, hindi ako pinapayagan pa nung network and nung facility na magsabay-sabay ng work, kasi baka hindi ko kayanin.
“Kasi three years akong nandun lang sa loob and hindi pa ako sanay sa labas. Dahan-dahan yung process.
“And nung inintroduce na ako ulit… kasi gradual, e, sa family muna. Tapos inintroduce na ako sa work ulit. Nagtrabaho na ako ulit.
“And aware sila, aware yung network na nakakapagod talaga ito—emotionally, physically, spiritually.
“Hindi nila isinabay ang teleserye at paggawa ng pelikula,” aniya.”
Dalawang beses na nagkamali si JM sa kaniyang buhay at career ngunit sa kabila ng lahat ng ito, siya ay binigyan pa rin ng pagkakataon upang makabangon at bumalik sa pag-arte at binigyan pa siya ng mas magandang oportunidad upang lalong umunlad ang kaniyang career. At ayon sa kanya ay mas may kumpiyansa na siya at kaya nang i-handle ang emosyon upang hindi na muling magkamali pa.