Louie C. Montemar
BAKIT tila yata gustong pakialaman ng mga mambabatas kung paano kaming mga guro dapat na magturo?
Nang una kong mabasa ang tungkol sa mungkahing-batas na magbabawal sa mga guro na magtakda ng mga homework o gawaing aralin sa bahay, ang naisip ko agad ay sana pwede kong sabihan nang harapan sa mga nagpapanukala nito na gawin muna nila ang kanilang trabaho nang maayos bago nila kami pakialaman.
Bakit tila panghihimasukan pa nila kung paano dapat magtuturo ang mga guro? Sa mga kolehiyo at pamantasan nga, napakalinaw na may tinatawag na kalayaang pang-akademiko ang mga institusyon ng pagkatuto sa tersiyarong antas. Malinaw itong nakasaad sa Seksiyon 5 (2), Artikulo XIV ng ating Konstitisyon–ang Academic Freedom o Kalayaang Pang-akademiko.
Malawak ang konseptong ito. Tungkol ito sa karapatan ng mga paaralan na itakda ang kanilang mga layunin upang magturo at lumikha ng kaalaman, at kung paano maisasakatuparan ang mga nasabing layunin. Absolute ang garantiya dito, maliban na lamang kung may mga interes pampubliko na malinaw na masasagasaan.
Kalayaan ito, kung gayon, ng mga guro at mga mananaliksik—mga pantas sa pilosopiya, humanidades, at agham—upang makatipon ng kaalaman o makalikha ng bagong kaalaman at maipasa ito sa kanilang tinuturuan at sa susunod na henerasyon.
Sa batas, sakop nito ang pagharap sa mga sumusunod na tanong hinggil sa kalayaan ng mga institusyon ng pagkatuto sa antas ng kolehiyo’t mga pamantasan: Una, sino ang makapagtuturo; ikalawa, ano ang maituturo; ikatlo, paano dapat magturo; at, ikaapat, sino ang papayagang makaangat at makapapasok sa mga kolehiyo’t pamantasan.
Kung titimbangin ang panukalang “no-homework” para sa mga nasa kinder hanggang sa mataas na paaralan (Grade 12) ayon sa konsepto ng kalayaang pang-akademiko, tila malinaw na may mali.
Higit pa nga sa usapin ng karapatan ng mga institusyon upang makapagturo ayon sa mga pamantayan at paraang sa tingin nila ay nararapat, sino ba ang mas nakaaalam at makapagsasabi kung paano magtuturo sa mga mag-aaral? Hindi ba ang ating mga guro?
Dapat ding bigyang-pansin na may patakaran nang ganito ang Departamento ng Edukasyon noon pang 2010 sa ilalim ng pamumuno ni Br. Armin Luistro, dating Sekretaryo ng DepEd. Sa isang DepEd Memorandum Order (No, 392, Series of 2010). Sa nasabing kautusan ng DepEd, pinagsasabihan ang mga guro na huwag ng magbigay ng mga assignments o takdang-aralin subalit kapag weekend lamang at hindi sa buong linggo—kapag Sabado at Linggo lamang. Hindi naman ito absolutong pagbabawal, kung gayon, sa pagkakaroon ng mga takdang aralin. Para sa DepEd, mainam daw ang ganito para sa mga weekend ay mas malayang nakasasalamuha ng bata ang kanyang pamilya.
Kung tutuusin, tunay na di na bago ang ideya na ito. Sa ibang bansa—halimbawa na lamang sa Japan at Netherlands—matagal nang ganito rin ang palakad. Walang takdang-aralin para sa mga bata subalit iyong nasa mababang paaralan at kinder lamang. Ayon sa karanasan ng mga bansang ito, mas tamang ang mga bata ay magpokus sa iilang aralin sa tukoy na antas at hindi mahalaga ang dagdag gawain pa sa kanilang mga bahay matapos ang mga takdang oras ng pag-aaral sa loob ng paaralan.
Ang matindi sa panukalang batas, nais ipataw ang nasabing patakaran hanggang sa Grade 11 at 12—sa senior high school—at, sa orihinal na mungkahi, may parusang pagkakulong o pagbabayad ng multa sa mga susuway na guro.
Ang 2010 Memo ng DepEd, gaya ng patakaran sa mga ibang bansa, ay sumasakop lamang sa mga napakabatang mag-aaral, at wala itong kaparusahang itinatakda. Sapat na sana ang ganitong memo, ngunit ngayon, sa Konggreso, may nagtutulak na gawan ito ng batas.
Subalit sa tindi ng negatibong reaksiyon lalo na mula sa mga guro nang mabalita ang panukala, umatras na ang mga nagmumungkahi ng batas mula sa pagpapataw ng parusang kulong at mabigat namulta.
Kung gayon na nga, ano pa ang silbi ng batas na ito kung walang parusa? O mayroon pa nga bang ipapataw? Hindi pa malinaw ang bagay na ito.
Para sa akin, dapat na iatras ang buong panukala. Iwan na lamang natin sa mga guro ang usapin ng pagbibigay ng takdang-aralin. Hindi man antas tersiyaryo ang mga hawak ng DepEd na institusyon at kung gayon hindi singlinaw ang aplikasyon sa kanila ng karapatang pang-akademiko sa ating batas, dapat naman ay may tinig na mas matimbang ang ating kaguruan hinggil sa kanilang gawain bilang mga taong may karapatan at mga propesiyonal na may natatanging galing.