MELROSE MANUEL
ITINANGHAL na big winner sa ikatlong Pista ng Pelikulang Pilipino ang family drama film na “Lola Igna.”
Humakot ng awards ang pelikula ni Direk Eduardo Roy sa gabi ng parangal na ginanap kamakailan sa SM Mall of Asia Complex.
Matagumpay na nauwi ng “Lola Igna” ang Grand Prix na Best Picture gayundin ang Best Musical Score at Best Screen Play Award.
Itinanghal naman ang lead star nito na si Angie Ferro bilang Best Actress.
Bukod sa Lola Igna, humakot din ng awards ang pelikulang LSS o Last Song Syndrome na nakapag-uwi ng limang awards. Kabilang na dito ang Best Original Song, Best Sound Design at PISTAPP Audience Choice Award. Ginawaran din ang romance-musical ng Special Jury Award.
Samantala, humataw naman sa takilya ang comedy entry na “The Panti Sisters” nina Cristian Bables, Paolo Ballesteros at Martin del Rosario.
Sa loob lamang ng dalawang araw mula nang ipalabas noong September 13, may kabuuang kita na ang pelikula na tumataginting na mahigit P36 milyon.
Nasungkit din nito ang Audience Choice Award at Best Production Design habang iginawad kay Martin del Rosario ang Best Actor Award.