Ni: STEPHANIE MACAYAN
ARAW-ARAW ay parating naalis ng bahay lalo na kung pumapasok sa trabaho o eskwelahan, kaya naman dapat alam kung ano ang mga mahahalagang bagay na dapat parating nasa loob ng iyong bag.
May mga pagkakataon na may mga bagay tayong kailangan, ngunit wala pala tayong dala at minsan naman, ang nasa loob ng ating bag ay mga bagay na hindi pala talaga natin kailangan.
Minsan din hindi natin alam kung ano ba talaga dapat ang dadalhin kapag tayo ay wala sa bahay. Ngunit, mayroong mga mahalagang bagay na makakatulong sa atin lalo na sa mga hindi inaasahang pagkakataon.
Kaya narito ang ilan sa mga maaaring mapakinabangan at maaari mong dalhin kahit saan.
Hand sanitizer. Parating magbaon nito upang mapanatiling malinis ang mga kamay kahit saan magpunta. Dahil may mga sakit at germs na madaling makahawa, kaya mas makakabuti na laging may dala nito. Mas mabuti kung ang hand sanitizer na iyong dala ay pormang key chain upang maaari ito isabit sa bag para madaling kunin.
Sanitary pad/napkin. Dahil may pagkakataon na hindi mo inaasahan ang iyong monthly period mas maigi na magbaon ng sanitary napkin sa lahat ng oras. O maaari ka rin makatulong sa kapwa na inabutan din nito nang di inaasahan.
Pocket knife. Hindi na ligtas ngayon para sa mga babae ang umuwi ng hatinggabi dahil marami ang nagkalat na masasamang tao sa labas. Maigi rin na mayroon nito kung sakaling makaranas ng karahasan. Ang isa pang alternatibo kung ayaw magdala ng pocket knife ay ang pepper spray para sa self-defense.
Lip balm. Parati rin dapat na may dalang lip balm. Makakatulong ito na mabigyan ng moisture at hydration ang labi dahil may pagkakataon na ito ay nagbabalat. Kapag ito ay nangyari, madalas itong tinutuklap at maaring magkasugat at maaring lumala pa ito.
Perfume. Ang pabango na nakalagay sa maliit na bote o lagayan ay hindi makakasikip sa loob ng bag. Kaya naman huwag manghinayang na magdala nito at panatilihing kaaya-aya ang amoy, dahil may pagkakataon na tayo ay natutuyuan ng pawis at ito ay may masamang amoy.