Paniguradong lalabas kang sulit at masaya dahil sa ganda ng Pinto Art Museum!
ISA ang Pilipinas sa bansang may pinaka-makulay na kasaysayan, may mga kakaibang artifacts, at mga magiting na bayani. Kaya naman maraming kwento ang Pilipinas na hindi natin dapat kalimutan. Kaya narito ang iba’t-ibang museo sa Pilipinas na tiyak magbabalik sa inyo sa makasaysayang nakaraan.
National Museum of Anthropology
Isa rin ito sa walang bayad na museo at bukas sa publiko mula Martes hanggang Linggo. Dito makikita ang mga artifact tungkol sa ekonomiya ng bansa, lengguahe, kultura at mga artifact na galing sa iba’t-ibang parte ng Pilipinas. Nandito ang sinaunang alpabeto ng mga Pilipino, ang Baybayin, na nakaukit sa kawayan. Narito rin ang Kinuttiyan o ang mga gawang-kamay na kumot ng mga Ifugao. Matatagpuan din ang National Museum of Antropology sa Padre Burgos Ave, Ermita. Bukas ito Martes hanggang Linggo, mula alas dyes ng umaga hanggang alas singko ng hapon.
National Museum of the Philippines
Matatagpuan ang Pambansang Museo sa loob ng Rizal Park sa Padre Burgos Ave, Ermita, Manila, 1000 Metro Manila. Bukas tuwing Martes hanggang Linggo, mula alas dyes ng umaga hanggang alas singko ng hapon, libre ang pagpasok rito para sa lahat ng nais bumisita.
Nagsimula ang National Museum bilang pampublikong aklatan lamang noong 1981 ngunit makalipas ang dalawang dekada, ginawa itong National Art Gallery. Ang National Museum ay kinikilala bilang opisyal na Museo ng Pilipinas. Itinatag ng pamahalaan ang insitutusyong ito upang maipakita, hindi lamang sa ating mga kababayan kundi pati na rin sa mga dayuhang bisita, ang kayamanang likas, ang mga aspeto ng kultura at kasaysayan ng buong bansa. Mayroon itong apat na magkakahiwakay na gusali na nakapalibot sa buong Rizal Park.
Pinto Art Museum
Ang Pinto Art Museum ay matatagpuan sa 1 Sierra Madre St, Antipolo, Rizal. Bukas ito mula alas nuwebe ng umaga hanggang alas sais ng hapon.
Kilala ang Pinto Art Museum dahil sa kakaiba nitong disenyo na Instagram-worthy. Napapaligiran ito ng iba’t-ibang klase ng Filipino paintings, native artworks, at ng mga sculptures na may iba’t-ibang porma at hugis. Sa halagang 200 pesos ay maari ka ng makapasok sa loob ng Museo. Para sa mga senior citizens, ang entrance fee ay 180 pesos at 100 pesos naman para sa mga estudyante; kailangan lamang ay may dala silang ID.
National Planetarium
Kung nais mo naman mamangha sa ganda ng kalawakan, tiyak na ang National Planetarium ang magbibigay sayo ng kasagutan sa maraming katanungan. Dahil dito makikita ang iba’t-ibang uri ng planeta, bituin at teorya ng ating kalawakan. Hindi lang din ito basta basta museo dahil mayroon din itong tatlong full-dome shows ng Planet for Goldilocks, Hayabusa Back to the Earth at Journey to a Billion Suns na maaring mapanuod sa halagang 50 pesos para sa matatanda at 30 pesos naman para sa mga estudyante. Talaga namang maeenjoy ng kahit na sino dahil sa murang halaga mararanasan na ang pakiramdam ng nasa kalawakan.
Bukas ang Planetarium tuwing Martes hanggang Linggo, alas nwebe ng umaaga hanggang alas kwatro ng hapon. Matatagpuan ito sa Padre Burgos Drive National Museum.
National Museum of Fine Arts (National Art Gallery)
Makikita rito sa tinagurian ring National Art Gallery ang iba’t-ibang sining at obra ng mga dakilang Pilipino artist tulad nina Juan Luna na lumikha ng obrang Spoliarium na itinanghal sa buong Europa noong ika-labinsiyam na siglo. Naroroon din ang The Burning of Manila ng national artist na si Fernando Amorsolo. Dito rin nakalagak ang Noli Me Tangere ni Leonardo Cruz at ang Planting of the First Cross na obra naman ng national artist na si Vicente Manansala.
Matatagpuan ang National Museum of Fine Arts sa Padre Burgos Ave, Ermita, Manila. Bukas ito tuwing Martes hanggang Linggo, mula alas dyes ng umaga hanggang alas singko ng hapon.
National Museum of Natural History
Dito sa museo na ito matatagpuan ang likas na yaman ng Pilipinas. Kakaiba ito sa lahat dahil sa kakaibang hugis ng gusali nito. Ito ay parang isang malaking dome at kapag nasa loob ang bisita ay mapapansin na ito ay hugis puno kaya tinatawag na Tree of Life. Isa sa mga atraksyon dito ang skeleton ni Lolong, itinuturing na pinaka malaking buwaya sa Pilipinas. Kabilang din dito ang iba’t-ibang klase ng puno, buto at halaman sa bansa. Matatagpuan ang National Museum of Natural History sa Padre Burgos Ave, Ermita. Bukas ito tuwing Martes hanggang Linggo, mula alas dyes ng umaga hanggang alas singko ng hapon. Libre rin ito para sa kahit na sinong nais bumisita.
The Dessert Museum
Halina’t bisitahin ang Dessert Museum. Sa halagang 799 pesos ay tiyak na hindi mo pagsisihan ang kakaibang experience sa loob nito.
Makukulay na disensyo, Instagram worthy na mga designs at masasarap na iba’t-ibang klase ng mga dessert o panghimagas. Ang museong ito ay madalas puntahan ng mga artista, madalas din gawing venue ng mga photoshoot dahil sa mga nakakatuwang designs dito.
Kilala rin ito bilang Amazing World of Sweets, Candies and Desserts. Ang bawat haligi ng museo na ito ay may iba’t-ibang hugis tulad ng donuts, marshmallows, mga candy canes, banana boat, bubblegum, gummy bears, pinata at mga cake. Mabubusog talaga sa tamis dito ang inyong mga mata. Matatagpuan ang Dessert Museum sa Seaside Boulevard, Coral Way, Pasay. Bukas ito buong linggo mula alas dyes ng umaga hanggang alas dyes ng gabi.
Upside Down Museum
Pangalan pa lamang ay mahahalata na kakaiba ang museong ito. Kilala ito dahil sa pagiging malikhain ng mga artist na nagdisenyo nito. Ang mga kagamitan na nakabaliktad ang syang binabalik-balikan ng mga turista dito.
Sa kanilang paglikha ng museo, ninais din ng mga artists na mailabas ang creativity ng mga bisita, kung paano sila magpose at umanggulo sa mga kakaibang istruktura rito. Mayroon ding iba’t-ibang klase ng art sa loob gaya ng mga butas na frame kung saan pupuwede kang magpose sa gitna at may mga dinasours na tila magkukunwari kang natatakot.
Marami na ang bumisita at nanatili paring bukas sa publiko ang museo na ito. Sa halagang 450 pesos ay maeenjoy na ng buong pamilya at barkada ng isang araw dito.
Matatagpuan ang Upside Down Museum sa Boom Na Boom Grounds CCP Complex, Roxas Blvd, Pasay. Bukas ito Martes hanggang Linggo mula alas onse ng umaga hanggang alas nuwebe ng gabi. Tara Na!
CHAMPAIGNE LOPEZ