HANNAH JANE SANCHO
NANINDIGAN muli si Pangulong Rodrigo Duterte sa una na nitong idineklarang all out war laban sa mga komunista. Seryoso ang Pangulong Duterte na matuldukan ang mga komunistang rebelde sa bansa bago matapos ang kaniyang termino sa 2022.
Kaya asahan ang tuloy-tuloy na laban ng mga militar sa buong bansa upang tuluyan nang mapulbos ang mga miyembro ng New People’s Army.
Magugunitang ibinasura ni Pangulong Duterte ang peace talks sa Communist Party of the Philippines noong taong 2017 dahil sa kabiguan nitong maipakitang sinsero ito sa usapang pangkapayapaan.
Samantala, tiniyak ng Philippine National Police ang suporta nila sa utos ni Pangulong Rodrigo Duterte na magsagawa ng pag-atake laban sa mga rebelde. Suportado ng buong hanay ng Pambansang Pulisya ang direktiba ni Pangulong Rodrigo Duterte na magsagawa ng full-scale attack laban sa mga rebelde.
Sa pahayag ni PNP Spokesperson Police Brigadier General Bernard Banac, sinabi nito na isang karangalan ang kanilang gagampanan para maabot ang inaasam na kapayapaan at kaunlaran sa komunidad. Magiging puspusan anya ang kanilang operasyon laban sa mga rebelde. Lalo na’t karapatan ng bawat isang Filipino ang isang komportableng buhay na walang banta ng terorismo at karahasan.
Sa talumpati ng Pangulo sa awarding ng 2019 Outstanding Government Workers sa Malacañang, binigyang diin nito ang hangarin na pulbusin ang mga rebelde. Maliban dito, nais ding masolusyunan ng Pangulo ang problema sa ISIS upang hindi na maulit ang ilang karahasan sa Mindanao.