JHOMEL SANTOS
PINASASAMPAHAN ng kasong kriminal ng Department of Justice ang KAPA Community Ministry International at founder nitong si Joel Apolinario at iba pang opisyal nito.
Ito ay matapos makitaan ng DOJ ng sapat na batayan ang reklamo ng Security and Exchange Commission na nilabag ng KAPA ang Securities Regulation Code (SRC) nang mag-operate ito at mangalap ng investment kahit walang sapat na permit at secondary requirements.
Bukod kay Apolinario, kabilang din sa mga pinakakasuhan ang asawa nito na si Reyna Apolinario, Margie Danao, Adelfa Fernandico, Moises Mopia, Marisol Diaz at Reniones Catubigan dahil sa paglabag sa Cyber Crime Law.
Bagong pangalan at operasyon ng KAPA, bineripika na ng NBI sa SEC
Kaugnay nito, inaalam pa ng National Bureau of Investigation (NBI) Caraga sa Securities and Exchange Commission (SEC) ang modus ng “Jenotech” na sinasabing bagong pangalan ngayon ng Kabus Padatoon o KAPA Community Ministry International Incorporated.
Ayon kay NBI-Caraga Regional Director Mario Minor, nakatanggap sila ng impormasyon na araw-araw nagsasagawa ng operasyon ang Jenotech para sa panibagong investment scam.
Aniya, nagsasagawa ng re-entry at revalidation ng kanilang mga miyembro lalo na yaong mga nakapag-pay in na ngunit wala pang natanggap na return of investment.
Sinabi ni Ninor na base sa inisyal na impormasyong kanilang nakuha, religious activity pa lamang ang ginawa ng naturang grupo at hanggang sa ngayon ay wala pa silang natatanggap na reklamong may niloko ito.
Dagdag pa ng opisyal, aalamin din nila sa SEC kung may permit to operate ang nasabing grupo na magpapatunay na legal ang kanilang patagong isinagawang investment scheme.