PROBLEMA mo ba ang sahod mo na hindi na magkasya sa iyong mga pangangailangan kaya malayo pa ang sweldo, wala ka nang panggastos?
Alamin kung ano ang mga dapat mong gawin para makatawid sa petsa de peligro!
Ayon sa Labor Force Survey ng Philippine Statistics Authority (PSA) umabot sa 94.9 porsyento ang employment rate noong April 2019, patunay na marami sa bansa ang may trabaho ngayon kumpara noong mga nakaraang buwan.
Marahil din na nakadagdag ang mga bagong graduate na nakakuha agad ng trabaho.
Hindi natin maipagkakaila na habang tayo ay tumatanda, dumarami rin ang ating mga bayarin. Kaya naman, hanggat maaga pa disiplinahin na natin ang ating mga sarili.
Narito ang ilan sa mga investments ideas na maari mong gawin habang ikaw ay nagtratrabaho at kumikita.
Mag-invest sa sarili
Bukod sa pera, mahalaga ang ating mga kakayahan at talento. Hindi natatapos ang ating pag-aaral sa graduation.
Dapat lang na patuloy ang pagdagdag natin sa ating kaalaman habang tayo ay tumatanda. Kaya kahit na may edad na ay maaari pa rin tayo matuto ng iba’t-ibang bagay na naaayon sa ating interes.
– Mag-aral muli, mag double degree o kumuha ng master’s degree. Hindi hadlang ang edad kung gusto mo mag-aral, kung sa tingin mo ay makakatulong ito sa iyo ay tiyak na maganda rin ang magiging bunga nito.
– Kung ayaw mo naman umalis ng bahay ay maari ka mag-enroll sa mga online courses. Maraming mga nag-ooffer nito online na hindi mabigat sa bulsa.
– Umattend ng mga career seminars at workshops nang sa gayon ay madagdagan ang iyong kaalaman sa trabaho at sa’yong sarili.
– Manuod ng mga tutorials na sumasaklaw sa iyong mga interes.
– Mag volunteer upang makatulong sa mga nangangailangan.
Magtayo ng maliit na negosyo
Kahit na ikaw ay bago pa lamang sa trabaho at maliit pa lang ang kinikita, maari kang magtayo ng maliit na negosyo.
Lahat nagsisimula sa wala, lahat nagsisimula sa maliit lang. Kaya gamit ang iyong maliit na sahod ay maari mo na itong ma-invest sa maliit na negosyo. Kailangan mo lang ng tiyaga, sipag at tiwala sa sarili. Hindi natin masasabi ang mga susunod na mangyayari kaya maganda ng magsimula ng maliit na negosyo nang sa gayon kapag dumating ang petsa de peligro ay mayroon kang mapagkukuhanan ng panggastos.
– Magbenta online, kung hilig mo ang pagbebenta ng mga damit, sapatos o kung ano-ano ay maaari mo itong pagkakitaan gamit lang ang iyong mga social media accounts.
– Kung mahilig ka naman magluto o magbake ay maari mo rin itong pagkakitaan sa simpleng pagbenta ng ulam sa tapat ng inyong bahay at maari mo rin itong i-promote online.
Mag-invest sa SSS at PAG-Ibig
Ang SSS o Social Security System at PAG-ibig ay iilan sa mga pangunahing insurance program sa Pilipinas. Maari ka rito mag-invest buwan-buwan simula 500 pesos sa PAG-ibig Fund at 1,000 pesos naman sa SSS. Ang mga programang ito ay kontrolado ng gobyerno kaya’t nakakasiguro na ligtas ang pera na ma-iinvest mo dito.
Makakatulong din ito para sa iyo upang magkaroon ka ng panggastos kung dumating man ang panahon ng pangangailangan. Bukas ang SSS Peso Program para sa mga miyembrong may edad na 55 pababa. Kung nais mong maging miyembro ng programang ito ay pumunta lamang sa opisina ng SSS na malapit sa iyong lugar at kumuha ng SSS form, i-fill up yoon at isumite. Maari din mai-download ang form mula sa website ng SSS. Siguraduhin na tama ang bawat detalye na ilalagay mo rito upang maiwasan ang mga problemang dulot ng maling detalye.
Bukod sa form ay kinakailangan rin ang iyong birth certificate, baptismal at pasaporte bilang mga pangunahing dokumento, ngunit kung wala ka naman ng mga ito ay maari mong ipakita ang iyong school ID, voter’s ID, driver license, marriage contract o ang birth certificate ng iyong anak. Pagkatapos mo maipasa ang mga dokumentong ito ay susuriin na ito ng verifier kung tama lahat ng detalye at kung aangkop pa ito sa mga impormasyon at dokumentong ibinigay mo pagkatapos nito ay tatatakan na ito ng numero bilang patunay na approved ang iyong dokumento at ikaw ay miyembro na ng SSS.
Ang SSS program ay panghabang buhay na hindi mo dapat kalimutan. Kinakailangan na maghulog ka rito nang tuloy-tuloy buwan-buwan upang makuha ang benipisyo ng mga miyembro ng programa.
Ang pagiging adult ay mahirap sa umpisa ngunit lahat naman ng umpisa ay nagsisimula sa mahirap hindi ba? Kakailanganin lang ng sapat na tiyaga, sipag at tiwala sa sarili na ano mang problema ang dumating ay masosolusyunan mo rin.
Hangga’t bata pa, hanggat kaya pa ay mag-invest na ng pasalamatan tayo ng future-self natin balang araw. Sabi nga, “never stop learning” marami man tayong natutunan sa loob ng paaralan ay mas marami pa tayong dapat matutunan sa panibagong yugto ng ating buhay. Ang pagiging matalino at madiskarteng mamamayan ay nagsisimula sa ating sarili.
CHAMPAIGNE LOPEZ