Louie C. Montemar
KUNG susundan natin ang karaniwang pagturing na ang isang lugar ay babae (hindi naman sa pagiging seksista), ang lungsod ng Cebu ang Ate ng Maynila.
Batay sa pagkakadeklara sa dalawang lungsod bilang mga lugar na sakop ng Espanya noon, dalawang taon lamang naman ang tanda ni Ate Cebu kay Maynila bilang isang bayan.
Makailang beses ko nang nabisita si Ate Cebu sa loob ng maraming taon. Ngayon, bilang isang Manilenyo, hindi ko ikinababalisang sabihing tila mas mainam ang nakita kong naging resulta ng pamamahala sa nasabing lungsod.
Ilang dekada nang tila napabayaang anak si “paborito” at kilalang Maynila; naging madungis sa ilalim ng ilang administrasyon. Sa kabilang banda, si Ate Cebu ay parang nagdalaga. Lalo pa ngang gumanda mula nang huli kong nadalaw.
Ang kanyang paliparan ay higit na kaiga-igaya kumpara sa nasa Maynila. Higit na malinis ang kanyang mga kalye. Mas mura ang mga bilihin (para sa isang Manilenyong gaya ko). Ang kanyang mga tanawin at mga lugar pangturismo ay mas makakahikayat ng mga bisita gaya ng mga manliligaw sa isa ngang nagdadalaga.
Dama mo ang pagmamalaki ng mga Cebuano sa kanilang kalinangan. Halimbawa na lamang, kung wika ang pagbabatayan, hindi ka basta sasantuhin ng mga taga-Cebu kung magtatagalog ka. Magtanong ka man sa tagalog. Cebuano ang karaniwang pagsagot nila.
Maaaring hindi maging komportable ang ibang Filipino sa ganito, na baka mas madali pa ngang ingglesin mo na lamang ang isang Cebuano kesa kausapin ng tagalog; ngunit sa akin, tanda lamang ito ng matibay na pagkakakilanlan ng mga Cebuano. Ito ang kanilang wika. Ito ang kanilang bayan.
Sa kabila ng mga obserbasyong ito, sa aking huling pagdalaw kailan lamang sa kanya, may nakabagabag talaga sa akin bilang isang bisita at bilang mag-aaral ng agham panlipunan. Ito ang kapansin-pansing pagdami ng mga taong-kalye o mga taong-grasa sa lungsod.
Kung hahanap ka ng mga bagu-bagong artikulo o online sa mga suliraning panlipunang hinaharap ng Cebu, ang karaniwan at mga nangungunang lalabas ay ang usapin sa lumalalang trapik sa lunsod at kakulangan o kawalan dito ng tubig. Susunod sa mga ito ang kawalan ng maayos na hanapbuhay para sa marami, subalit halos walang pagbanggit sa kawalan ng tirahan ng maraming taong-kalye.
Kung tutuusin, ang pagkakaroon ng mga taong-kalye ay katangian ng lahat ng maraming lungsod sa buong mundo. Maging ang mga pinakamaunlad at pinakamayamang lungsod ay may mga ganyang uri ng naninirahan. Subalit talaga namang hindi dapat pabayaan ni Ate Cebu ang mga nasa ganitong lagay ng karukhaan. Walang kinalaman ang trapik at kakulangan ng tubig, kung iisipin, sa paglaganap ng mga taong nasa kalye na naninirahan.
Kaugnay ng usaping ito, marami talaga dapat haraping hamon at banta si Ate Cebu. Halimbawa na lamang, ang pagdami ng mga dumadayo mula sa ibang bayan at ang paglobo ng populasyon sa lungsod.
Nakita na ni Ate Cebu kung paano nasadlak sa lusak ang kanyang kapatid na si Maynila. Nawa’y maging mas maagap at epektibo siya sa pagtugon sa mga pangangailangan ng pagbabagong global at ng kaunlaran.