POL MONTIBON
NABAWASAN ang bilang ng pamilyang Pilipinong nagsasabing mahirap sila at salat sa pagkain.
Batay sa third quarter 2019 Social Weather Survey na isinagawa noong Setyembre 24 hanggang 30, 42% o tinatayang 10.3 milyong pamilyang Pilipino ang ikinokonsidera ang kanilang sarili na mahirap.
Mas mababa ito ng tatlong puntos mula sa 45% o tinatayang 11.10 milyong pamilyang Pilipino na naitala noong Hunyo pero mas mataas sa 38% na naitala noong Marso.
Sa 42%, 5.6% ang bago sa listahan ng mga nagsabi na sila ay mahirap, 5.4% ang madalas na nasa listahan ng mahirap at 30.7% o ang hindi pa nakakaalis sa pagiging mahirap.
Ayon naman sa karamihan ng ‘self-rated poor,’ kailangan anila ng P10,000 kada buwan para hindi na nila ituring na mahirap ang kanilang sarili.
Sa kapareho ring survey, lumabas na 29% o tinatayang 7.1 million na pamilya ang nagsabing sa kanilang palagay ay mahirap ang kanilang pagkain o tinatawag na “food poor”.
Mas mababa ito ng anim na puntos mula sa 35% o nasa 8.5 milyon na pamilya noong Hunyo ng kasalukuyang taon.
Ang September 2019 SWS survey ay isinagawa sa pamamagitan ng face-to-face interviews sa 1,800 adults sa buong bansa.