NANGANGAILANGAN ang Europa ng 2,000 hanggang 5,000 skilled at semi skilled na mga manggagawang Pinoy.
CHERRY LIGHT
PANIBAGONG oportunidad ang naghihintay sa libu-libong Pilipinong manggagawa na nais magtrabaho sa Central Europe.
Ayon kay Labor Secretary Silvestre Bello III, hinihingi ng Slovenia ang pagpayag ng Pilipinas para sa deployment ng 2,000 hanggang 5,000 skilled at semi-skilled workers para makatulong sa kanilang workforce.
Pero sinabi ni Bello na kailangan munang lumagda ng Pilipinas at Slovenia sa isang bilateral agreement.
Ayon sa kalihim, kabilang sa mga hinahanap ay health care workers, nurses, engineers, truck drivers, heavy machine and equipment operators at mga household service worker.
Sakaling maaprubahan, maaaring makatanggap ng nasa P50,000 hanggang P75,000 o USD $1,000 na minimum wage ang mga kwalipikadong manggagawa.
Isa naman sa mga kwalipikasyon ay mahusay sa wikang Ingles.
Bubuo na rin aniya ng isang technical working group ang DOLE para sa negosasyon sa terms of agreement at para matiyak ang kaligtasan ng mga OFW doon.
Pinayuhan naman ng DOLE ang mga OFW na hintayin ang pormal na anunsyo ukol sa pagbubukas ng mga trabaho at magtungo muna sa DOLE o Philippine Overseas Employment Administration (POEA) para matiyak na lehitimo ang malalapitang agency at job orders na inaalok.