SA kabila ng paghihirap na dinanas noon ni Maymay, patuloy pa rin siyang nanganarap at tinutupad ang mga ito.
Ni: STEPHANIE MACAYAN
ANG big winner ng Pinoy Big Brother Lucky 7 na si Maymay Entrata ay nahaharap ngayon sa mas maraming oportunidad at tumataas ang career matapos manalo sa reality show.
Katulad ng marami, ang buhay ni Maymay ay hindi kasing ganda ng buhay ng iba na nakukuha at natatamasa ng magandang buhay bago pumasok sa bahay ni Big Brother.
Noong pumasok si Maymay sa bahay ni Big Brother, agad nakita ang isang masiyahin, mabait at kwelang bata.
Dahil sa ganda ng ugaling ipinakita niya sa bahay ay marami ang nagmahal at humanga kay Maymay. Kaya naman ito rin ang naging dahilan kung bakit siya ang napili ng taong bayan upang maging big winner ng season na iyon.
Ngunit bago matamasa ang tagumpay ngayon ay maraming problema at pagsubok din ang dinaanan niya.
BUHAY BAGO ANG TAGUMPAY
Kung isa kang masugid na tagasubaybay ni Maymay, siguradong napanood mo ang kwento ng kaniyang buhay sa Maalaala Mo Kaya (MMK) ng ABS-CBN.
Maraming rejection ang natanggap niya. Hindi niya nakilala ang tunay na ama na iniwan sila; ang kaniyang ina naman ay nagtrabaho sa Japan kaya’t iniwan at pinaalagaan silang magkakapatid sa kanilang lolo na si Papa Joe. Di naglaon, pinakasalan ng kanilang ina ang kasintahang Hapon.
Ang kaniyang Papa Joe at pinsan ang nagbigay ng saya sa buhay ni Maymay. Sa kabila ng pagkalayo sa ina, ang kaniyang lolo ay hinikayat siya na tuparin ang pangarap na maging artista at darating ang araw na ito ay kaniyang makakamtan.
Matapos tanggihan nang ilang beses, hindi na dapat muling mag audition si Maymay sa panibagong season ng PBB. Tila ba may ibang plano ang Tadhana para sa kanya, hanggang sa siya ay makuha upang maging isa sa mga housemate ni Big Brother.
Ngunit habang nasa loob ng bahay si Maymay ay pumanaw naman ang kaniyang Papa Joe.
Nakita ang angking galing ni Maymay sa pag arte matapos gampanan ang life story niya sa MMK. At ito ay pa nag trending sa twitter na may hashtag na #MMKMaymay.
MEMORABILIA BAGO PUMASOK NG PBB
“Mahilig kasi ako sa mga ano, memories. ‘yung tipong ‘pag nakikita ‘yung bagay talagang naaalala ko siya. Nag pa-flash back,” sabi niya sa kaniyang interview sa Star Magic.
Narito ang ilang pinaka ini-ingatang gamit ni Maymay.
Wallet, bigay ng kaniyang ina noong siya ay nagtapos ng high school.
“Ang laman nito mga memories ko rin. Since noong elementary ako at tsaka high school ako.”
Naglalaman ng lumang ID noong siya ay elementary, high school at College. Pati na rin mga lumang larawan.
“Itong wallet na ‘to, hindi kayo maniniwala. Naging wallet ko ‘to hanggang nag college ako. Bago ako pumasok ng PBB hindi ko ginastos ‘yung mga pera bago pumasok sa PBB”
Ipinakita rin niya ang bente pesos na laman ng pitaka at sinabi rin niya na hindi na niya iyon ginastos pagpasok ng bahay ni Big Brother.
Sumunod ay ang make up kit na galing din sa kaniyang ina na tinatago pa niya hanggang ngayon.
“Kay mama pa rin ‘to galing. So, 4th year high school pa ako nito hanggang sa nag PBB ako dala-dala ko ‘to, alam ko madaming nakakita nito sa inyo,”
Naglalaman ng i-ilang make up ito, tulad ng brush, eyeshadow, blush on at tali ng buhok na binigay sa kaniya ni Angelica Panganiban.
Pangatlong ipinakita niya ay ang maliit na treasure box. Ang tanging laman nito ay ribbon ng cake noong siya ay nag debut.
“Binili ko ‘to nung third year high school ako, loob nito, ‘yung ribbon nung 18 years old ako,”
“Sabi ko, sana kahit cake lang meron akong maitago. Like ‘yung ribbon ng cake. So, ito na ‘yun.”
At huli niyang pinakita ay ang charger ng kaniyang cellphone noong college siya. Makikitang mahilig si Maymay na magtago ng kahit na maliit na bagay basta ito ay may alaala na mahalaga sa kaniya.
MAYMAY BILANG MODELO
Noong nakaraang taon lamang ay nagulantang ang social media sa pag rampa ni Maymay sa Arab Fashion Week 2018.
Pinabilib niya ang buong Pilipinas sa kaniyang pagiging parte ng Arab Fashion Week sa Dubai. Mabilis na nag viral ang mga litrato niya kung saan siya ay fierce at stunning sa stage ng fasion week habang suot ang nilikhang kasuotan ng fashion designer na si Furne One.
Si Maymay din ang kauna-unahang Filipina na rumampa sa Arab Fashion Week.
Inilahad ni Maymay sa kaniyang Instagam post ang naramdaman matapos ang Arab Fashion Week.
“Nakakaiyak lang isipin na dati pinapangarap ko lang ang nararamdaman kong ‘to. ‘Yung tipong iniisip mo pa lang siya kay hirap nang abutin pero minsan pala kapag pinabayaan mo lang at marunong maghintay sa tamang panahon kung para sa ‘yo talaga ibibigay sa ‘yo,” sabi nito sa Instagram.
Sa isang interbyu, sinabi ni Maymay na may interes siya pagdating sa larangan ng pagmomodelo at handang sumailalim sa training upang maging isang propesyonal na model balang araw.
MAY LOVELIFE NA?
MAYWARD ang tawag sa tambalan nina Maymay at Edward Barter at sa tagal ng magkatambal ng dalawa marami ng nagtatanong kung sila na ba sa totoong buhay.
Dahil din ito sa alam natin na karamihan sa mga celebrity na may katambalan ay nagkakatuluyan. Tulad nalang ng JaDine, Nadine Lustre at James Reid, KathNiel tambalang Kathryn Bernardo at Daniel Padilla, i-ilan lamang sila sa mga minahal na tambalan ng tao at hanggang ngayon ay masaya at matatag ang relasyon.
Ang MayWard kaya? Kamakailan lamang ay nag guest ang dalawa sa Gandang Gabi Vice na programa ni Vice Ganda at doon nagisa ng tanong ang Mayward.
Tinanong ni Vice si Edward kung gusto rin ba niya malaman kung sino ang boyfriend ni Maymay dahil ang host ay gustong gusto malaman ito.
“I want to know who’s in her heart” sagot ni Edward.
Muli niyang tinanong si Edward kung kaya ba ni Maymay na aminin kung sino ba talaga ang kasintahan nito.
“Hindi niya kaya. Kasi sa aming dalawa, I’m straight to the point,”
Dahil sinabi nito na straight to the point siya, sa pangatlong pagkakataon ay tinanong siya kung kaya ba aminin ni Edward kung sino ang girlfriend niya.
Mabilis na sinagot ito ni Edward ng “Oo”.
“Ate Vice, you know I love a lot pero sa ngayon hindi ko pa kayang sabihin,” sabi niya.
“Kasi nirerespeto ko si Maymay at ‘yung pamilya niya,” dagdag pa niya.
“I’m waiting for her response, hinihintay ko pa po sagot niya,” paliwanag ni Edward.
Kaya sa ngayon hintayin natin na maging handa na si Maymay na tanggapin si Edward bilang kasintahan niya. Siguradong matutuwa ang kanilang tagahanga kung sakaling mangyari ito.