MAGING maingat palagi sa pagmamaneho upang makaiwas sa ano mang aksidente sa daan.
NI: MARILETH ANTIOLA
ANG patuloy na pagdami ng sasakyan ay siyang pangunahing dahilan ng paglala ng traffic ngayon. Masikip at mabagal ang pagdaloy ng traffic lalo na sa mga pangunahing kalsada.
Dagdag pa rito ang mga banggaan at mga sakunang nagaganap dahil may mga driver na hindi sinasaisip ang mga alituntunin ng wasto at ligtas na pagmamaneho.
Narito ang ilang mga tips para sa ligtas na pagmamaneho:
I-check ang mga gulong ng sasakyan. Ito ang unang bagay na dapat mong ginagawa bago bumiyahe para maiwasan ang digrasya sa daan. Tignan kung ito ba ay malambot o flat, may butas at kung may tumusok na anong matulis na bagay.
Magsuot ng helmet /seat belt. Ang pagsuot ng helmet sa kung nagmomotor at ang pagsuot naman ng seat belt sa kotse ang isa sa pinakamahalagang bagay na dapat mo palaging gawin dahil ang mga ito ay magsisilbing proteksyon mo sa iyong pagmamaneho.
Maging alerto. Laging kaakibat ng pagmamaneho ang aksidente kaya mag-focus palagi sa daan habang nagmamaneho at maging alerto sa mga nakakasabay sa kalsada na mga sasakyan.
Huwag gumamit ng cellphone habang nagmamaneho. Maraming mga driver na pasaway pa rin kahit alam na bawal na ang paggamit ng cellphone habang nagmamaneho. Patuloy parin sila sa maling gawain na maaring magresulta ng isang matinding aksidente na puwedeng kumitil sa kanilang buhay.
Kung hindi ka maingat at responsableng driver ay malaki ang posibilidad na ikaw ay malagay sa panganib o maaksidente at maka perwisyo rin sa kapwa motorista.
Makatulong sana ang mga ito tungo sa masaya at ligtas na pagmamaneho.