Ni: Champaigne Lopez
MAHALAGA sa ating lahat ang nakaraan, ngunit hindi lahat ng mga bahagi nito ay dapat na manatili sa ating kasalukuyan.
Sa ngayon, umabot na sa 300 milyong tao sa buong mundo ang nakikipagsapalaran sa depresyon at 2.3 million dito ay mga Pilipino base sa inilabas na pag-aaral ng World Health Organization noong 2018.
Ang Depresyon ay isang seryosong sakit sa pag-iisip kung saan nakakaranas ang isang indibidwal ng matinding kalungkutan, dulot ng pagkawala ng interes sa mga aktibidad na dating nagpapasaya sa kaniya, pakiramdam na palaging pagod at kawalan ng gana kumilos.
IBA PANG TANDA NG DEPRESYON:
-Iritable at mabilis magalit.
-Hindi makagawa ng sariling desisyon.
-Hirap makapokus o makapag concentrate sa anumang gawain.
-Mababa ang pagtingin sa sarili.
-Naiisip ang pagpapakamatay.
Ang pagkakaroon ng depresyon ay hindi biro at hindi dapat ipagwalang bahala dahil hindi madali ang pinagdadaanan ng sino mang nakakaranas nito. Sila ay nangangailangan ng tulong, hindi ng panghuhusga at panunukso.
PAANO MAKAKATULONG SA MAY DEPRESYON?
Buksan natin ang ating pag-iisip at intindihin ang kanilang kalagayan. Kung ikaw ay may kakilala na kasalukuyang nakakaranas ng ganitong sakit ay maaaring subukan na mag-alay ng sariling serbisyo tulad ng simpleng pakikipagkaibigan, pagsama sa kaniya sa mga lugar na nais nyang puntahan o kahit makipag-kwentuhan lamang at pakinggan ang mga nais nyang sabihin nang sa gayon ay mailabas nya ang mga hinanakit niya, na syang makakatulong upang mabawasan ang stress na nararamdaman isa sa mga pangunahing sanhi ng kaniyang depresyon.
Maaring ang depresyon ay dulot ng kamatayan ng kanilang mahal sa buhay, biktima sila ng karahasan, nawalan ng trabaho, nagkahiwalay sa asawa at marami pang iba kaya naman huwag natin silang husgahan.
Magulang ka man, estudyante, katrabaho, kaibigan o kakilala lang, iparamdam pa rin natin sa kanila na hindi sila nag-iisa at ipadama natin na may karamay sila at mayroong maaring sandalan.
PAANO MAIIWASAN ANG DEPRESYON?
- Mag ehersisyo
Ang pag-ehersisyo ay nakakatulong upang maiwasan ang pag-iisip ng mga negatibong bagay. Napatunayan na rin ng mga espesyalista na habang nagpapawis ang isang tao ay natatanggal din ang negatibong enerhiya sa katawan.
- Pagkain nang maayos
Ang nutrisyon sa ating katawan ay mahalaga upang maiwasan ang pagkakaroon ng depresyon kaya naman ugaliing kumain ng mga masusustansyang pagkain tulad ng prutas at gulay.
Bawasan ang mga pagkaing may mataas na sugar content, high-fat foods at mga processed foods. Ugaliin din na uminom ng maraming tubig dahil nakakatulong din ito upang maging maayos ang daloy ng dugo.
- Pagtulog sa tamang oras
Ayon sa National Sleep Foundation, ang mga taong may insomnia ay mas malaki ang tyansang magkaroon ng depresyon kumpara sa mga taong nakakatulog at nakakapagpahinga nang maayos. Dahil ang taong may sapat na tulog ay may maganda at maayos na takbo ng pag-iisip, physical health at mental health. Dagdag pa ang maganda at makinis na balat.
- Bawasan ang paggamit ng cellphone at social media
Ang mga maling impormasyon na kumakalat sa internet ay maaari rin na maging sanhi ng depresyon. Ugaliin na lamang ang pagbabasa ng mga libro, dyaryo o Bibliya na alam mong siyang makakatulong upang maging masagana at positibo ang iyong pag-iisip.
- Piliin ang kaibigan
Hindi sa lahat ng pagkakataon ay maiintindihan tayo ng ibang tao, hindi rin sa lahat ng oras ay kaya natin silang pakiusapan, kaya naman piliin natin ang ating kaibigan na alam nating makakatulong para mapabuti tayo.
Umiwas sa mga negatibong tao na puro husga at insulto ang ibinibigay sa iyo. Makisalamuha sa mga positibong tao dahil malaki ang maitutulong ng mga tamang tao sa ating paligid kaya doon tayo sa mga taong handa tayong intindihin at tulungan.
- Komunsulta sa eksperto
Huwag ipasawalang bahala ang pagkakaroon ng depresyon, kung sa tingin mo ay may sintomas ka na ng depresyon ay huwag nang magdalawang isip na komunsulta sa mga espesyalista nang sa gayon ay hindi na ito lumala pa.
Iilan lamang ito sa mga maaring gawin upang maiwasan ang pagkakaroon ng depresyon, ngunit tandaan na bukod sa lahat ng nabanggit, ikaw pa rin ang siyang makakatulong sa iyong sarili. Lahat ay nagsisimula sa ating mga desisyon at sa kung paano tayo mag-isip.
Kaya naman simulan mo sa pagkakaroon ng tiwala sa sarili, maniwala ka na kung kaya ng iba ay magagawa mo rin. Madalas banggitin ng mga taong may depresyon ang mga salitang “wala akong kuwenta” ngunit walang nilikha ang Diyos na walang kuwenta, kahit nga ang mga bato o maski ang mga alikabok ay may dahilan kung bakit nandito sa mundo, ikaw pa kaya na siyang anak ng Diyos? Minsan sa buhay kailangan natin maging matatag. Kahit sobrang nakakapagod, nakakawalang gana at nakakaubos ng pasensya, piliin pa rin nating maging masaya.
Tanggapin natin na hindi natin kontrolado ang lahat ng bagay at ayos lang na minsan tayo ay madapa, matalo o maligaw dahil parte ito ng buhay at lahat ng tao ay nakakaranas nito. May dahilan ang mga bagay na nangyayari sa mundo at ang mga problemang nararanasan natin ay ang siyang makakapagpalakas sa atin bilang indibidwal.
Tayo ang pipili kung anong klaseng buhay ang nais natin kaya huwag tayong susuko hanggang sa maabot natin ang inaasam nating kaligayahan at tagumpay.