PIA Wurtzbach suot ang korona bilang Miss Universe 2015.
Ni: STEPHANIE MACAYAN
SINO ba naman ang hindi nakakakilala kay Pia Wurtzbach, ang Miss Universe 2015 na siyang nag-uwi ng pangatlong korona ng Pilipinas pagkaraan ng 42 taon kasunod nina Gloria Diaz noong 1969 at Margie Moran noong 1973, at ang sumunod sa kanyang yapak noong paglipas ng tatlong taon na si Catriona Gray.
MAHIRAP malimutan ang maling pag-anunsyo ni Steve Harvey sa Miss Universe 2015 —una niyang hinirang na Miss Universe si Miss Colombia ngunit sa malaking pagkagulat ng lahat dahil sa isang iglap, binawi niya ito at inanunsyo na ang Miss Universe 2015 ay si Miss Philippines Pia Wurtzbach.
Marami man ang hindi natuwa dahil sa pagkakamaling iyon, maayos namang nagampanan ni Pia ang kaniyang tungkulin bilang Miss Universe.
Pagkabata sa Cagayan de Oro
Isinalaysay sa Maalaala Mo Kaya ang naging buhay ni Pia noong bata pa lamang siya sa Cagayan de Oro kasama ang kaniyang mga magulang. Malungkot ang kaniyang kabataan. Sa murang edad nasaksihan niya ang pag-iwan sa pamilya ng kanyang ama para sumama sa ibang babae.
Dahil sa mapait na karanasang ito, naging matatag si Pia sa buhay at natanim sa isip na kakailanganin niyang tumulong sa pagsuporta sa ina at mga kapatid.
Sila ay lumipat sa Manila upang magsimula muli. Parati niyang tinatawagan ang ama ngunit parati nitong sinasabi na ito ay abala. Nasubok din ang samahan nila ng kaniyang ina.
Sa amusement park kung saan nagsasaya sila kasama ang kapatid na si Sarah at kaniyang ina nang may lumapit sa kanila na isang talent scout at sinabing may potential siyang maging isang modelo.
Dumaan sila sa napakaraming audition bago nakakuha ng proyekto.
Bata pa lamang si Pia pangarap na niya na maging isang beauty queen, kaya naman nagsumikap siya. Siya na rin ang bumuhay sa kanilang pamilya sa kinikita sa pinasok na pag-aartista bukod sa pagmomodelo.
Karera
Dahil sa may angking galing sa pag-arte ay naging parte siya ng Star Magic, talent management arm ng ABS-CBN. Gumanap siya sa ilan sa di malilimutang palabas doon kabilang na rin sa ASAP tuwing Linggo.
Kasunod nito, nag-aral naman si Pia ng Culinary Arts sa Center for Asian Culinary Studies sa Maynila. Naging stylist, makeup artist, at writer din siya sa beauty section ng Philippine Daily Inquirer.
Noong panahong iyon nagsimula niyang tahakin ang landas ng isang beauty queen. Lumahok siya sa Binibining Pilipinas. Hindi ito naging madali. Sa unang pagsali, nasama siya sa mga finalist ngunit hanggang doon lamang. Hindi naman siya pinanghinaan ng loob at sumubok muli. Hindi pa rin niya naiuwi ang korona. Kung mahina-hina ang loob, bibitawan na niya ang pangarap.
Sa halip na magpadala sa kabiguan, mas pinagbuti niya ang pagsasanay at sa pangatlo at huling pagkakataon, sumali si Pia ulit kung saan sa pangatlong beses niya na pagsali sa Binibining Pilipinas ay nasungkit niya ang korona at naging representative sa Miss Universe 2015.
Natatanging korona
Malaking bahagi ng score ng mananalo sa Universe ang puntos na matatamo sa Q & A ng timpalak ng kagandahan ng mga kababaihan mula sa iba’t-ibang bansa.
Ang tanong noon sa Miss U 2015 ay “Why should you be the next Miss Universe?”
“To be a Miss Universe is both an honor and responsibility. If I were to be Miss Universe, I will use my voice to influence the youth, and I would raise awareness of certain causes like HIV awareness that is timely and relevant to my country, the Philippines. I want to show the world, the universe rather, that I am confidently beautiful with a heart. Thank you,” buong kumpiyansang sagot ni Pia.
Gaano nga ba kahirap para kay Pia na ipasa ang korona niya matapos ang kaniyang tungkulin bilang isang Miss U?
“It was hard. When you prepare for something for many years and all that’s in your head is ‘How am I gonna get there?’ you are never truly prepared for the day when you have to give it up. You prep yourself so much for so long to get it but not to let go.” sagot nito sa interbyu ng Preview.
Sinabi rin niya na ayon sa mga managers ng Miss U walang kandidata na gustong ilipat ang korona sa susunod na magsusuot nito. Ngunit wala silang magagawa dahil tradisyon na ito ng pageant.
“Other girls usually get sad when it’s over and they won’t get to see the same people they worked with as often, but me? I didn’t want it to end,” dagdag pa niya.