SA panahon ng makabagong teknolohiya, maaari na sa isang click lang ng smartphone ay may access na tayo sa anumang impormasyon na nais natin sa pamamagitan ng Internet. Kaya natin makuha ang pinakahuling balita hindi lang sa Pilipinas kundi maging sa ibang bansa. Mas mabilis pa na naihahatid ito kung ikukumpara sa telebisyon, radyo at pahayagan.
Sa Internet din mas mabilis naihahatid ang mga mahahalagang impormasyon hindi lamang ng mga news network kundi pati na rin ng gobyerno, pribadong sektor, mga non-government organization at ordinaryong mamamayan.
Sa Internet mas naging patas ang plataporma para sa mga mayayaman at mahihirap dahil basta napukaw mo ang interes ng publiko, siguradong makikilala ka. Pero sa usapin ng kalayaan sa pamamahayag o freedom of expression mas nagkaroon ng mas malawak na instrumento ang lahat mapabata man o matanda para mailahad ang kanilang saloobin.
Likas na expressive o magaling ang mga Pilipino sa pagpapamalas ng kanilang talento. Kaya nga idinadaan sa vlogging o video blogging ang pagpapakitang gilas ng mga Pilipino.
Lalong sumisikat ang mga celebrities na may social media presence, nabuhayan naman and tumatamlay na kinang ng mga artista na matagal nang hindi nakikita sa telebisyon. Nabibigyan naman ng break ang mga ordinaryong indibidwal na nakikilala dahil naging viral sila sa Internet. Dahil lahat naman tayo ay may kakayahan na ilabas sa Internet ang anumang positibo at negatibong impormasyon ay nangangahulugan lang na malaki ang responsibilidad ng bawat isa sa atin na tiyaking tama ang mga impormasyon na inilalabas natin.
Kung ikaw ay isang mamamahayag dapat lang na totoo at credible ang mga balitang ihinahatid mo sa publiko. Kung ikaw naman ay social media influencer at mga kabataan ang mga followers mo ay dapat responsable ka sa mga ibinabahagi mo para kung gayahin ka man nila ay hindi sila mapapahamak.
Kung entertainment naman ang hatid mo dapat hindi ito below the belt at may naipaparating pa rin na makabuluhang mensahe sa mga tagasubaybay mo. Gayunpaman, masaklap pa rin isipin na sa Internet din nakikita ang lahat ng mga bagay na hindi mo nanaisin makita ng kabataan ngayon.
Dito rin kasi makukuha hindi lang impormasyon na makakalinang ng kaalaman kundi pati na rin ng kaalaman sa mga bagay na walang kabuluhan at delikado tulad ng pornograpiya, pagpapatiwakal, terorismo at marami pang negatibong bagay.
Kaya mahalaga ang patnubay ng mga magulang upang matiyak na tama ang paggamit ng Internet ng mga kabataan.
Ginagamit din kase ang Internet ng mga terorista upang makapanghikayat ng mga kabataan at iba pang inosente na umanib sa radikal na terorismo.
Maraming buhay ang nababago dahil sa Internet, pero sa kasamaang palad hindi naman ito sa ikabubuti. Dito mas nagiging banidoso ang mga kabataan dahil sa paniniwala na magiging katanggap-tanggap sila kapag pasok sa standard na ipinapakita ng social media.
Mabuti na lang at hindi pa nawawala sa Internet ang ilang organisasyon at religious groups na nagtuturo ng doktrina na makapagpapapihit sa atensiyon ng marami na napariwara dahil sa Internet.
Kaya bago mahuli ang lahat mainam na itigil na ang iresponsableng paggamit ng Internet at wala itong naidudulot na maganda.
Mas mabuti pang gamitin ang panahon sa Internet para paglinangin ang kaalaman mo. Halimbawa, pwede ka magdagdag ng kaalaman sa pagluluto, cosmetology kung nais mo maging make-up artist, videography at photography kung nais mo mag freelance sa ganitong linya ng trabaho.
Dito din sa Internet pwede rin makuha ang mga tamang balita basta’t galing ito sa mga lehitimong news agency. Maging mapanuri at mag ingat sa mga naglipanang fake news.
Hindi masama ang Internet basta’t responsable ka lang sa paggamit nito. Kung wala ka nang panahon maligo, magkaroon ng social life, distracted na ang iyong trabaho ay itigil na ang addiction mo sa anumang bagay na may kinalaman sa Internet.