EAT at your own risk. Paalala para sa mga mahilig kumain ng street food.
Ni: STEPHANIE MACAYAN
FOOD trip ba ang hanap mo? Pero ayaw gumastos ng mahal para sa sulit at masarap na pagkain? Maraming nagkalat na makakainan sa loob at labas ng Metro Manila. Kaya naman alamin natin kung saan ang mga ito.
Sa kabila ng napakarami at bagong mga restaurant na nagsulputan kung saan-saan, paminsan-minsan ay mas gugustuhin mo pa kumain ng mura at masarap na street food.
Nakakatakam ang mga inihaw na isaw, barbecue, kwek-kwek, fishball, kikiam at marami pang iba. Lalong nagpapasarap sa mga ito ay ang matamis, maanghang at sukang sawsawan na partner ng tusok-tusok. Amoy pa lamang ng usok na galing sa bawat iniihaw ay masarap na.
Kung tutuusin paglabas mo pa lang sa iyong bahay ay siguradong hindi mawawala ang nagtitinda ng mga pagkaing nabanggit. Pero mayroong mga kainan na hindi mo dapat palampasin dahil sa mga signature street food dish at talaga namang dinarayo ng marami.
Paalala lamang, kung ikaw ay adventurous na tao at mahilig talagang kumain ay para talaga sa iyo ito. Ngunit kung maselan at nag-aalala sa kalusugan, siguro kailangan maging mas maingat ka sa pagpili kung saan ka kakain.
LOLA OTE
Kilala ang Lola Ote sa kanilang 18 inches na pork barbecue na sosyal ang presentasyon, hindi karaniwang stick ang gamit dito, nakalambitin ito sa improvised na bakal dahil na rin sa laki ng baboy ay kakailanganin talaga ng mas malaki at matibay na pantusok para dito. Bukod sa pork barbecue ay mayroon din silang napakalaking isaw.
Ang Lola Ote ay matatagpuan sa Diliman, Quezon City.
QUIAPO MARKET
Ang pampublikong palengke ang isa sa mga lugar kung saan tiyak may matatagpuang street food. At isa sa matandang palengke na dinarayo ng marami ay ang Quiapo market sa Maynila.
Sikat na sikat dito ang tusok-tusok tulad ng isaw, laman loob ng baboy at manok, mamihan, lumpiang sariwa, at ang sikat na balut. Paradise nga naman kung tawagin ito dahil sa dami ng street food dito.
Dahil sa ito ay palengke, marami rin mabibiling gulay, prutas at marami pang iba.
MANG LARRY’S ISAWAN
Meryenda lamang ng nakararami ang tusok-tusok, pero dito sa Mang Larry’s Isawan ay hindi ka lamang mapapa-meryenda kung ‘di ay mapapainom ka rin. Ang pagkain dito ay tama lamang ang timpla at kadalasan asin at paminta lang ang sangkap upang mabigyan ng katakamtakam na lasa ang malutong na balat.
Ang sawsawan ay ang tipikal na matamis at maanghang na suka na masarap sa pulutan.
Matatagpuan ang Mang Larry’s Isawan sa Balagtas Street, University of the Philippines, Diliman, Quezon City.
MANG RAUL’S BBQ
Hindi talaga mawawala ang barbecue sa food trip nating mga Pinoy. Ito ay parating nauubos dahil sa dami ng kumakain nito.
Ang Mang Raul ay parang Mang Larry’s ng south. Magpakasawa sa pork BBQ, isaw ng baboy, isaw ng manok, tenga ng baboy, hotdog at marami pang iba. Maaari rin bumili ng kanin kung ikaw ay hindi pa nagta-tanghalian o hapunan.
Ito ay matatagpuan sa CRM Ave, near Holy Family Parish, Almanza Uno, Las Piñas City.
SARSA KITCHEN + BAR
Kung ikaw naman ay nasa sosyal na lugar tulad ng BGC at hanap mo ay street food, sagot ka ng Sarsa Kitchen + Bar. Kilala sila sa kanilang Sizzling Kansi, pero sila ay mayroon ding isaw ng manok na parte ng kanilang appetizer menu.
Magpakasawa sa isaw ng manok na may sawsawan na special recipe na sinamak vinegar na siguradong swak sa iyong panlasa.
Para kumain dito puntahan lamang sila sa Forum South Global, Federacion Drive cor 7th Ave, Fort Bonifacio, Taguig.
CONCEPCION PUBLIC MARKET
Ang Malabon City ay sikat sa iba’t ibang putahe. Isa sa mga sikat dito ay ang ukoy-ukoy, ang malutong na piniritong tortang hipon at toge na masarap i-partner sa suka.
Ang pinaka nakaakit sa Malabon ay ang matamis at madikit na mga kakanin kabilang na ang pichi-pichi at sapin-sapin.
Ang Concepcion public market ay nasa Gen. Luna, Malabon.
SKINITA STREET FOODZ
Hango sa salitang eskinita ang pinagkuhaan ng pangalan ng negosyo na ito. Itinayo ito para mabigyan ka ng tunay na eskinita experience habang kumakain sa resto. Tipikal na street food ang makakain dito at maari ring uminom sa murang halaga upang ma-enjoy ang pagkain dito.
Ito ay matatagpuan sa 20 United Street D-Strip Building, Barangay Kapitolyo, Pasig City.
CHEF ARCH’S LIME STREET FOOD
Kung ang hanap mo naman ay pinasosyal na street food ay bagay ka dito sa Chef Arch’s Lime Street Food. Ang kanilang barbecue ay sine-serve ng may side dish na orchids at maganda ang presentasyon, mapapasabi ka nga naman ng “sosyal!”
Maging ang ibang pagkain ay mayroong creative presentation, katulad na lamang ng balut. Ito ay may sauce na gawa sa red wine at creamy garlic tuyo na pasta. Huwag na magpahuli at tikman ang sosyal na putahe sa resto-bar na ito.
Ang Chef Arch’s Lime Street Food ay nasa 160 San Rafael, Mandaluyong City.