Louie C. Montemar
SA mga may anak na nasa kolehiyo at senior high school sa ngayon, marahil napansin ninyong may mga itinuturong asignatura na hindi naman ninyo kinuha noong panahong nag-aaral pa kayo. Halimbawa nito ang tinaguriang “The Contemporary World” (Ang Mundo sa Kasalukuyan) na tinuturo para sa mga nasa unang taon sa kolehiyo.
Ang Contemporary World ay isang asignatura sa Agham Panlipunan, sa Sosyolohiya, sa partikular. Nakatutok ito sa pagtuturo at tangkang pagpapaliwanag sa isang pandaigdigang proseso—ang tinatawag na “globalisasyon.”
Ayon kay Prof. Manfred Steger ng University of Hawaii at kilala sa pag-aaral ng globalisasyon, ito ay tumutukoy sa pagpapalawak at pagpapalakas ng kamalayan at mga ugnayang panlipunan sa pagitan ng iba’t-ibang lugar at panahon sa buong mundo. Saklaw nito ang mga usapin sa ekonomiya, politika, kultura, ideolohiya, kalikasan, at teknolohiya.
Pagpapalawak at pagpapalakas ng kamalayan? Ng mga ugnayang panlipunan? Isipin natin ang kalagayan ng mundo noong panahon nina Bonifacio at Rizal. Ilang gaya ni Rizal o ni Bonifacio ang may malinaw na pag-unawa na ang lagay ng bansang Pilipinas noon ay nakatali sa interes ng isang banyagang lupain? Ilan ang may kamalayang nahubog ng kaalaman hinggil sa mga nangyayari sa mundo noong panahon na iyon? Malinaw na mas mabagal naman kasi ang pagkalat at paglago ng kaalaman noon hinggil sa mundo at hindi pa ganuon karami ang nakakapunta sa ibang bansa.
Subalit mula noon, napakarami nang pagbabagong naganap. Biro ko nga sa mga klase ko, noong panahon ni Rizal ay umaabot ng ilang buwan para makapagpadala ng sulat sa pagitan niya at ng kanyang mga kamag-anak. Ngayon, iilang segundo lamang darating na ang email na tugon sa iyong mensahe kanina lamang. Noon, nakaliligo pa ang mga bata sa Ilog Pasig dahil malinis pa ito. Ngayon, humanda kang magkasakit kung lumubog ka rito. Ngunit noon din, dapat mag-ingat ang mga batang naliligo sa Pasig dahil may mga buwaya pa noon sa nasabing anyong-tubig. Ngayon, wala ng mga buwaya sa Ilog Pasig. Umalis na sila sa ilog at nagkurbata na sila at nasa mataas na pwesto na.
Medyo nagbibiro po lamang gaya ng akin ng nailinaw na, subalit hindi ba kitang-kita naman nating lahat ang mga pagbabagong ito sa ating mundo? At may dalawang susing materyal na pagbabagong pinag-uugatan ang lahat ng ito, kung tutuusin: Una, ang pagbabago sa teknolohiya ng impormasyon at komunikasyon; at, ikalawa, ang pagbabago sa teknolohiya ng transportasyon. Ginawang posible ng mga teknolohiyang ito ang mas mabilis na pagbabago ng iba’t-iba pang bagay sa buong daigdig, sa buong lipunan. Bilang mga halimbawa, dahil sa teknolohiya ng impormasyon at komunikasyon, mas mabilis na ang paglikha at pagkalat ng kaalaman at mga pagpapahalaga sa buong mundo; at, dahil naman sa pagbabago sa teknolohiya ng transportasyon, napakabilis ng daloy ng migrasyon o paglikas ng mga tao mula sa isang lugar patungo sa iba pang destinasyon.
Bilang isang bansang bahagi ng patuloy na nagbabagong daigdig at kasapi ng mga internasyonal na samahang gaya ng ASEAN at UN, hindi natin basta maihiwalay ang ating mga sarili sa mga kaganapan sa mundo. Tama lamang, kung gayon, na patuloy nating pagyamanin ang kaalaman ng ating mga mag-aaral hinggil sa mga kaganapan sa mundo sa pamamagitan ng mga asignatura sa paaralan gaya ng The Contemporary World. Kailangan natin hindi lamang ng mga mamamayan, kailangan natin ng mga pandaigdigang mamamayan.