Hindi kailangang lumayo upang makita ang tunay na ganda ng mga tanawin ng Pilipinas. Dahil nasa paligid lamang sila.
ni: STEPHANIE MACAYAN
Kung magandang hubog ng katawan at pampapawis ang iyong trip, subukan mo mag hiking. Hindi ka lang pagpapawisan at mababawasan ng timbang, may thrill experience ka pa.
ANG Pilipinas ay mayaman sa mga bulubundukin na maaaring puntahan para sa makapigil hiningang tanawin ng mga ito. Kaya naman marami ang gusto na umakyat sa bundok dahil matapos ang nakakapagod at nakakahingal na pagakyat matutunghayan mo ang tanawing magpapaalala sayo na kaya mo ring abutin ang langit.
Kaya narito ang mga bundok na puedeng akyatin ng kahit na amateur hiker. Paalala lamang, huwag mag hiking na nag-iisa.
BATULAO
Kung first time mo umakyat ng bundok, ang Mt. Batulao ang bundok para sa iyo at higit sa lahat, madali itong puntahan. Ilang oras lamang na trip sa bus o sa pribadong sasakyan nasa Mt. Batulao ka na sa Batangas.
Tatagal ng apat na oras ang pagakyat dito, bago makarating sa madadaanan ang ilang mini-peak na aakalain mong pinakatuktok na ng bundok. Ngunit, huminga ng malalim. Be hydrated, uminom ng tubig at namnain ang makapigil-hiningang tanawin na tatambad sa iyo. It is as close to heaven as you can get, sabi ng isang mountaineer.
Maaring mag muni-muni sa tuktok, at maaari ring magpalipas ng gabi kung gustong sulitin ang ganda ng Mt. Batulao. Siguruhin lang na sturdy at windproof ang iyong tent at may sleeping bag ka.
MAYNOBA
Ang mga bundok sa Rizal ay sikat sa mga hikers lalo na at malapit lamang ang mga ito sa bukod sa madaming sa Metro Manila. Hindi kailangan lumayo lalo na kung kinabukasan pagkatapos ng hiking ay kailangan pumasok sa trabaho — perfect ang mountains of Rizal.
Karaniwang dinarayo sa Mt. Maynoba ay ang sea of clouds na bumabalot dito. Super ganda nito at puede mo na imaginin na nag su-shoot ka ng pelikulang A Walk in the Clouds. Instagramable rin ang lugar. Upang maabutan ang ganda ng sea of clouds dito, ang mga hikers na manggagaling sa Metro Manila ay kinakailangan umalis at mag byahe ng alas-dos o alas-tres ng madaling araw para nasa tuktok sila ng bundok bago pa man sumikat ang araw. Perfect ito para masilayan ang pagsikat ng araw, sea of clouds at ang mountain range ng Sierra Madre sa di kalayuan.
Maaari rin magpalamig sa walong maliliit na talon dito matapos ang isang nakakapawis na hiking.
KIBUNGAN CIRCUIT
Para sa mga sanay na sa hiking at halos naakyat na ang mga bundok na malapit sa Metro Manila, maaaring ilista sa iyong bucket list ang Kibungan Circuit sa Benguet.
Ang mga lugar na ito ay hindi pa gaanong pina publicize upang manatiling malago at maayos na mapangalagaan ito. Ang circuit, na kailangan ng dalawa hanggang tatlong araw upang makumpleto, ay nagdudugtong sa kabundukan ng Tagpaya, Oten, at Tagpew.
Naghihintay ang magagandang tanawin habang dumadaan ang mga hiker sa mga kagubatan ng puno at ang acclaimed na rice terraces sa rehiyon.
DARAITAN
Nasa Rizal ang mga sikat at very accessible na mga bulubundukin. Matatagpuan din dito ang Mt. Daraitan, ang puso ng Sierra Madre mountain range. Ito ay nasa pagitan ng Rizal at General Nakar sa Quezon.
Sa Mt. Daraitan, hindi lang trekking at hiking ang iyong mae-enjoy. Maaari rin makita dito ang mga kweba, natural na pool at mga spring, limestone formations. Maari rin mag river-rafting doon.
Sa tuktok ng Mt. Daraitan, matatanaw ang napakagandang stretch ng Sierra Madre at kung ikaw ay su-swertehin maaari mo rin maabutan ang sea of clouds na bumabalot sa bundok.
PICO DE LORO
Matatagpuan sa Nasugbu, Batangas ang Pico De Loro.
Kung magsisimula umakyat dito nang umaga, maaaring maabutan ang ang pamosong unggoy na naghahanap ng pagkain. Kadalasan mga aso ang sinasama sa pag akyat at mistulang tour guide na rin.
Tatlong oras ang itatagal ng hiking mas maigi ito upang ma-enjoy ang kada hakbang at lakad sa adventure na ito.
Ang tuktok nito ay may 360-degree view ng Cavite at Batangas.
PULAG
Isa sa mga may pinaka majestic na hiking trails sa bansa ang Mt. Pulag. Ang bundok na ito sa Benguet ay kilalang-kilala sa malamig na temperatura na bumababa hanggang subzero na lebel, kaya naman mainam na maging handa at kumpleto sa kagamitan.
May iba’t-ibang trails ang maaring daanan doon. Ang Ambangeg ang pinaka madali sa lahat ng trail. Apat hanggang limang oras ang aabutin upang marating ang tuktok nito.
MAKILING
Ang Mt. Makiling ay matatagpuan sa Los Baños, Laguna. Ang bundok na ito ay puno ng iba’t-ibang uri ng bulaklak, ibon, reptiles at halos 2,000 na uri ng halaman.
Hindi lamang mga mountaineer ang nahuhumaling dito sa pamosong bundok na ito kundi maging ang mga scientists.
Hindi gaanong mahirap umakyat dito, pwedeng-pwede subukin ng mga baguhang hikers a akyatin ang Mt. Makiling.
Upang marating ang tuktok aabutin ng apat hanggang limang oras, hindi kakailanganin ng tour guide dahil ang trails ay madali lamang at maayos ang madadaanan.
Ang Mt. Makiling ang paboritong destinasyon ng mga hikers, bikers, campers, maging ang mga bird-watcher dahil ito ay malapit lamang at madaling puntahan at hindi mahirap bagtasin ng mga trails nito.