Ni: STEPHANIE MACAYAN
KILALA ang mga artista dahil sa galing nila pagdating sa aktingan, pero alam ba ninyo na may ilan sa kanila na bida rin sa race track.
Ang dami talagang pinagkakaabalahan ang mga celebrity bukod sa aktingan, kantahan o sayawan at pati ang car racing kina-career na.
Sanay tayo na makita ang mga artista na ang suot ay magagara at sosyal na damit, pero kapag sila ay naka racing gear na, handa na silang umarangkada sa track.
Sa kabila ng kanilang busy schedule, sila ay nag a-out of town para lang makapag race car driving. Isa sa mga extreme sport ang race car driving at gustong-gusto nila na umupo sa driver’s seat dahil sa adrenalin rush at hamon ng sport na ito.
Sofia Andres. Mapapanood sa iba’t-ibang pelikula at drama si Sofia. Matapang siya at sa edad na 21, isang car racer na.
Kasama si Sofia sa Vios Cup Season 5.
Arci Muñoz. Nagsimula si Arci sa car racing noong 2016 at naging parte ng Vios Cup 2016 season 2. Ito ang kauna-unahang pagsabak niya sa racing at simula noon ay minahal na niya ang freeway driving dahil sa thrill na binigay nito sa kaniya.
Gretchen Ho. Bukod sa paglalaro ng volleyball, isa rin si Gretchen sa mga host ng Umagang Kay Ganda sa ABS-CBN. Abala rin siya sa car racing at ngayong taon ay nakuha ang 2nd place sa Toyota Vios Cup kung saan pangatlo si Daniel Matsunaga at 1st place si Troy Montero.
Jake Cuenca. Noong Marso lamang ay naaksidente si Jake; nahagip siya ng truck habang nasa training para sana sa Ironman triathlon. Ngayong naka-recover na siya, handa ng-handa nang bumalik sa racing track at naghahangad na matapos ang susunod na laban.
Gerald Anderson. Baguhan pa lamang si Gerald sa car racing ngunit humahakot na ng parangal sa larangan ng extreme sport na ito. Sa kabila ng kakulangan sa karanasan ay nakapag uwi ito ng tatlong special award sa katatapos lang na Vios Racing Festival race track.
Rhian Ramos. Makikita sa Instagram post ni Rhian na suot niya ang kaniyang racing gear. Dalawang taon ang ginugol niya upang mag-aral kung paano magmaneho para sa Vios Cup. Mukhang nahuhulog na siya sa sport na ito.
Jasmine Curtis Smith. Kung hindi mahagilap si Jasmine sa school, trabaho o sa bahay nila, siguradong mahahanap mo siya sa racing track. Baguhan pa lamang sa extreme sport na ito si Jasmine ngunit makikita na ang passion niya para dito.