LAYUNIN ng pagbibigay ng pabuya sa mga pulis na makapagsumbong sa kanilang kapwa pulis na mapanatiling malinis at may disiplina ang ahensya ng PNP.
ADMAR VILANDO
NAKIKITANG magandang suhestiyon ng Philippine National Police ang pagbibigay ng pabuya sa mga pulis na makakapagsumbong ng kanilang mga kapwa pulis na tiwali sa kanilang serbisyo.
Sa naging panayam ng Sonshine Radio kay PNP Spokesperson, Police Brigadier General Bernard Banac, sinabi nitong ikokonsidera nila ang pagbibigay ng pabuya para mapa-igting nila ang paglilinis sa kanilang hanay.
“Yes! Tama iyon. Magandang suhestiyon ‘yon no. Sa ngayon, wala pa yung ganiyang sistema. Pero posible nating pag-aralan iyan para lalo natin mapaigting ang ating kampanya sa paglilinis sa ating hanay. Yes! Pag-aaralan natin iyan at maganda yang suhestiyon na iyan. At makaka-asa ang ating mga kababayan na talagang hinahanapan natin ng lahat ng paraan na mapanatili natin talaga ang disiplina sa ating hanay,” pahayag ni Banac,
Hinihikayat din ng PNP spokesperson na agad-ipagbigay alam sa kanilang tanggapan o sa Integrity Monitoring Enforcement Group kung mayroon na silang impormasyon patungkol sa mga pulis escalawag.
Paglilinaw pa ni Banac na walang dapat ikatakot ang mga ito dahil pangangalagaan ng PNP ang kanilang identity at mananatili itong confidential.
“So, sa ngayon pa naman ay ini-encourage namin ang aming mga kasamahan na wala silang dapat ipangamba. At kung mayroon silang nalalaman na katiwalian, mga iligal na gawain ng kanilang mga kasama sa kanilang unit o opisina ay ipag-bigay agad sa ating IMEG yung opisina ng Integrity Monitoring and Enforcement Group at agad itong aaksyunan… at pananatilihin ang confidentiality, ang kanilang identity. At lahat ng impormasyong ibibigay nila ay mananatiling sikreto at hindi ito mabubunyag.”
Sa huli, sinabi ni Banac na hindi nila kailanman kukunsintihin ang mga iligal na gawain at kung sinuman ang lumabag sa kanilang hanay ay dapat maparusahan at masibak na sa PNP.
‘Hindi natin kinukunsinte ang mga iligal na gawain ng ating mga kasama sa hanay. At anumang paglabag sa batas ay kinakailangan na maparusahan at sila ay dapat masibak na sa PNP,” dagdag aniya.