Ni: STEPHANIE MACAYAN
KILALANG magaling na mang-aawit si Sarah Geronimo, isa rin siyang record producer, aktres, dancer, at TV personality. Kahit sino ang iyong tanungin ay kilala siya.
Dahil sa dami ng kaniyang talento ay minahal si Sarah ng mga Pilipino at dahil na rin sa ganda ng ugali na ipinakikita niya, siya ay binansagang Pop Princess.
Ipinanganak si Sarah sa Sta. Cruz, Manila. Nabanggit niya sa isang interbyu na ang kaniyang ama ang nagturo sa kaniyang umawit. Araw-araw siyang nag e-ensayo hanggang sa paglaki ay naging magaling na mang-aawit.
Ang kaniyang ina naman ang sumasama sa kaniya sa bawat kompetisyon na sinasalihan. Dahil sa dami ng sinalihan, naging parte ng iba’t-ibang show si Sarah tulad ng Pen-Pen De Sarapen at NEXT at ang mga ito ang naging daan sa tagumpay na tinatamasa niya ngayon.
Ang kaniyang ama ay si Delfin Geronimo, isang retiradong empleyado ng PLDT. At ang ina namang si Divina ay dating nagpapatakbo ng beauty parlor sa kanilang bahay.
Nagsimula ang kaniyang career noong siya ay katorse anyos. Nanalo siya sa isang sikat na TV show na Star for a Night kung saan kinanta niya ang “To Love You More.”
“Ito pong journey ko dito sa showbiz parang telenovela. Mahaba, paikot-ikot, nakakaiyak, nakakatawa, nakakalula at nakakapagod. Pero alam ninyo, sa tuwing pumapasok sa isip ko na hindi lahat nabibigyan ng pagkakataon, ng blessings na ganito, nagpapasalamat ako,” aniya.
Hindi lamang singer, judge rin
Dahil sa galing at karanasan sa pagkanta ay hindi na maiitanggi na maaring mag kritiko sa mga aspiring singer si Sarah G. Kaya naman nakuha rin siya na mag judge sa The Voice singing competition show sa ABS-CBN kasama sina Bamboo at Lea Salonga.
Sinabi ni Sarah G. na proud siya sa mga talent na nag umpisa sa The Voice na ngayon gumagawa na ng sariling pangalan sa musika.
“I’m so proud of all of them, each one of them mayroong kaniya-kaniyang mark na sa industriyang ito. Like Morissette, Daren for example,” sabi ni Sarah.
Ngayon bukod sa pag-judge ay busy din si Sarah sa kaniyang bagong makeup line at sa paggawa ng pelikula.
Mapapanood din si Sarah G. sa ASAP tuwing Linggo ng tanghali.
Galing sa aktingan
Maging sa aktingan ay tumatak na sa tao si Sarah. Mapapanood siya sa iba’t-ibang mga pelikula at drama sa ABS-CBN. At karamihan sa kaniyang palabas ay kilala at alam ng manonood.
Nariyan ang TV series na Pangarap na Bituin, Bituing Walang Ningning, at Sarah, The Teen Princess na na-ere simula 2003 hanggang 2007.
Narito naman ang ilang pelikula niya na hindi malilimutan ng taong bayan.
Ang A Very Special Love, isang comedy-romance ng Viva Films at Star Cinema ay ipinalabas sa big screen noong 2008. Leading man ni Sarah G. sa palabas dito si John Loyd Cruz.
Nariyan din ang You Changed My Life, isa pa ring comedy-romantic ang pelikulang ito noong 2009. Ang direktor nito ay si Cathy Garcia Molina at tulad ng A Very Special Love si John Loyd pa rin ang kaniyang leading man.
Noong 2013 naman ipinalabas ang It Takes a Man and a Woman sa direksyon pa rin ni Cathy Garcia Molina at leading man niya si John Loyd.
Noong 2014, Itinampok naman siya sa Maybe This Time sa direksyon ni Jerry Lopez. Ang leading man naman niya dito ay si Coco Martin na kilalang Cardo ng FPJ’s Ang Probinsyano na napapanood ngayon sa Primetime Bida ng ABS-CBN.
Pinangunahan naman niya ang Miss Granny noong 2018. Isang comedy-drama ito sa direksyon ni Joyce Berna kung saan kasama niya sina James Reid at Nova Villa.
Pinakabago naman niyang pelikula, ang certified box office hit na Unforgettable. Ito ay kwento ng isang babaeng naligaw na papunta dapat sa Baguio kasama ang alagang aso, si Happy, upang bisitahin ang kaniyang lola na may sakit.