EDITORIAL NI HANNAH JANE SANCHO
MAHIGIT dalawang taon na rin ang nakalilipas magmula nang ideklara ni Pangulong Rodrigo Duterte ang batas militar sa buong Mindanao noong Mayo 2017 bunsod ng kaguluhan na idinulot ng IS-inspired Maute terror group sa Marawi.
Inaasahang ngayong Disyembre 31 ay magtatapos ang isang taong extension ng martial law sa Mindanao at magkakaiba ang mungkahi ng mga nasa gobyerno kung dapat pa ba itong ipagpatuloy.
Buwan ng Agusto pa lang ng taong kasalukuyan ay nagpahayag na si Davao City Mayor Sara Duterte na hindi na kailangan ng kaniyang lungsod ang isa pang taon na implementasyon ng martial law dahil naaapektuhan na ang business sector dito.
Naniniwala ang presidential daughter na kung ipatutupad pa ang batas militar dapat ay totohanin ito ng gobyerno kung saan ang militar talaga ang nasa kapangyarihan at wala ng function ang korte o lokal na pamahalaan.
Para kay Inday Sara, dahil maayos na ang sitwasyon sa Lungsod ng Davao at sa Samal Island, naniniwala itong dapat ihinto na ang pagpapatupad ng batas militar.
Kaya naman hindi na ikinagulat ng Malakanyang nang ipasa ng Davao City Council ang isang resolusyon na nananawagan kay Pangulong Rodrigo Duterte na alisin na ang martial law.
Si Davao City Councilor Mabel Acosta na siyang chair ng committee on peace and public safety ang siyang naghain ng resolusyon.
Ayon naman kay Defense Secretary Delfin Lorenzana, depende pa rin sa magiging rekomendasyon ng Armed Forces of the Philippines at Philippine National Police kaugnay sa isa pang taong extension ng Martial Law sa Mindanao.
Pero kung personal na pananaw ni Lorenzana ang tatanungin ay hindi na niya gusto pang irekomenda ang isa pang taong extension ng batas militar.
Ani Lorenzana masyado nang matagal itong naipatupad at kumpiyansa naman siyang kaya nilang gampanan mula sa security forces ng gobyerno ang kanilang trabaho.
Hiling lang ng Defense Secretary na kung gusto ng Kongreso na wala nang batas militar sa Mindanao ay ipasa na nito ang Human Security Act na nangangailangan ng ngipin.
Mas maganda aniya itong arrangement ani Lorenzana kaysa sa ipagpatuloy pa ang martial law.
Sa panig naman ng Philippine National Police kasalukuyang under control ang peace and order situation sa Mindanao at pwedeng hindi na kailanganin pa ang martial law.
Ito ay ayon kay PNP spokesman Police Brig. Gen. Bernard Banac.
Ani Banac, ipinapanatili lang nilang nasa mataas ang alert level sa bahagi ng Sulu dahil na rin sa may presensiya pa rin ng mga terrorist group na Abu Sayyaf.
Kapansin-pansin din ani Banac ang pagbaba ng lebel ng krimen sa buong Mindanao at under control din ang paglaganap ng loose firearms sa rehiyon.
Isa ito sa nakikitang rason ng PNP na pwede nang tanggalin ang martial law sa buong kapuluan ng Mindanao ani Banac.
Maging si Basilan Governor Hajiman Saliman-Hataman ay wala nang nakikitang dahilan para patagalin pa ang Martial law sa kaniyang probinsiya dahil under control naman ang seguridad sa kanilang lugar.
Paliwanag ni Hataman na kasalukuyang bumaba na ang bilang ng miyembro ng Abu Sayyaf group at nasa ilang na bahagi na ito ng kagubatan.
Humina na ang kanilang pwersa dahil marami sa mga kasamahan nito ang nasawi o di kaya naman ay sumuko na sa gobyerno.
Ipinunto din ni Hataman na matagal na panahon na rin sa kanilang lugar na nagkaroon ng insidente ng pambobomba, kidnapping at bayolenteng pagpatay magmula nang simulan ng gobyerno ang all-out war laban sa Abu Sayyaf at mga lawless element bago pa man idineklara ang Martial Law sa Mindanao.
Pero kung si Lanao del Norte Rep. Mohamad Khalid Dimaporo na siya ring chairman ng House Committee on Mindanao Affairs ang tatanungin, hindi siya sangayon na alisin ang batas militar lalo na sa kaniyang probinsiya.
Naniniwala si Dimaporo na ang pagpapanatili ng martial law sa Lanao del Norte ay siyang solusyon para sa seryosong problema ng seguridad ng kaniyang mga nasasakupan.
Sa katunayan aniya pinasa kamakailan ng Peace and Order Council ng Bayan ng Tubod ang isang resolusyon na pumapabor sa pagpapalawig ng martial law.
Binigyang diin ni Dimaporo ang naging security assessment ng AFP na siyang basehan ng council para palawigin pa ang batas militar sa kanilang lugar.
Kinokonsidera naman ng Armed Forces of the Philippines Chief of Staff na irekomenda kay Pangulong Duterte na palawigin ang martial law sa iilang lugar lang sa Mindanao.
Ayon kay AFP Chief of Staff Gen. Noel Clement magsasagawa muna sila ng thorough assessment at consultation sa mga lokal na pamahalaan sa Mindanao kung nais pa nitong magpatuloy ang batas militar sa kanilang lugar.