INILUNSAD ang isang programa na magtataguyod at magbibigay gabay sa mga magulang at estudyante sa lungsod ng San Jose del Monte Bulacan noong nakaraang linggo, ang 1LIKEFORLIFE Movement na humihikayat sa bawat magulang na maging responsable sa paggabay, pagdisiplina at pagtaguyod ng tamang landas sa kanilang mga anak at sa mga kabataan sa kabuuan.
Mula sa impluwensiya ng kapaligiran, teknolohiya at maging sa karanasan sa bawat tahanan ang kadalasay sanhi ng masalimuot na reyalidad sa buhay ng isang indibidwal kung bakit nararanasan nito ang depresyon, bagay na nauuwi sa pagkitil sa buhay.
Ayon sa pag aaral, oras-oras may naitatalang suicidal index sa buong mundo dulot ng matinding depresyon, isang karamdaman na maaaring maagapan kung may sapat na suporta mula sa pamilya, kaibigan at mga nakapaligid dito.
Ang ilang sanhi ng stress na maaaring mauwi sa depresyon ay ang paghihiwalay o pagdidiborsiyo ng mga magulang, pagkamatay ng mahal sa buhay, pisikal o seksuwal na pang-aabuso, malubhang aksidente, pagkakasakit, o problema sa pagkatuto—lalo na kapag nadama ng isa na nilalayuan siya dahil dito.
Nakaka-stress din kapag sobrang taas ang inaasahan ng magulang sa anak, gaya ng maging honor student. Posibleng dahilan din ang pambu-bully, pagkabahala sa kinabukasan, malayo ang loob sa nadedepres na magulang, at pabago-bagong pakikitungo ng magulang. Kung madepres ang isang kabataan, ano ang makatutulong?
Pinangunahan mismo ni San Jose Delmonte City Lone District Congresswoman Rida Robes ang paglulunsad ng programa ng 1LIKEFORLIFE Movement na layong mailayo ang bawat kabataan ng kanilang distrito sa anumang panganib dulot ng malawak na impluwensiya ng teknolohiya, social media kasama na ang usapin ng pang-aabuso na kadalasay nauuwi nga sa pagpapatiwakal o pagkitil ng buhay
Sa isang sesyon na inorganisa sa lungsod, ipinakita dito ang ibat ibang sanhi ng depresyon ng isang tao lalo na sa mga kabataan, kung bakit nararanasan nito ang hindi makayanang emosyong kinakaharap sa araw-araw na nauuwi sa suicide:
Galit sa magulang
Di pagtanggap ng mga kaibigan (peer pressure)
Karamdaman o sakit gaya ng kanser kung saan iniisip nito na wala nang gamot para dito
Kahirapan (poverty)
Pagbubuntis, unwanted pregnancy
Problema sa pag ibig
Maaaring lumitaw sa panahon ng pagdadalaga’t pagbibinata ang mga sintomas ng depresyon, gaya ng pagbabago sa pagtulog, gana sa pagkain, at timbang. Puwede ring madama ng isa ang kalungkutan, mababang pagtingin sa sarili, at pakiramdam na wala siyang halaga at pag-asa. Madalas na gusto niyang mapag-isa, hindi siya makapag-concentrate o madaling makalimot, nag-iisip o nagtatangkang magpakamatay, at may iba pang sintomas na di-maipaliwanag ng medisina.
Bilang isang magulang at mambabatas na nagsusulong ng mental health wellness sa kaniyang mga nasasakupan, nananawagan mismo si Cong. Rida sa kapwa nito mambabatas na gumawa pa ng mas malawak na hakbang para proteksiyunan ang mga kabataan sa usapin ng mental health wellness partikular na sa depresyon na sinuportahan din ng kaniyang asawa na si San Jose Del Monte City Mayor Arthur Robes.
Sa huli, ipinunto sa programa ang mahalagang papel na ginagampanan ng mga magulang sa kanilang mga anak at panatilihing bukas ang tahanan sa mga pagtanggap sa mga problemang kinakaharap ng bawat miyembro nito.
Tanggapin ang katotohanan na ang mga nadedepres na kabataan ay maaaring nahihirapang magsabi ng kanilang nadarama, o baka hindi nila naiintindihan ang nangyayari sa kanila. Baka hindi pa nga nila alam ang mga sintomas ng depresyon.
Maging alisto sa malalaking pagbabago sa paggawi, kaugalian sa pagkain, mood, pagtulog, o sa pakikihalubilo ng inyong anak—lalo na kung ang mga ito ay tumatagal na nang ilang linggo.
Huwag balewalain kapag may sinasabi siya tungkol sa pagpapakamatay o kung may pahiwatig ng pagpapatiwakal.
Kung nagsususpetsa ka na may depresyon ang iyong anak (hindi lang basta sumpong), pag-isipan kung makabubuting magpatingin sa espesyalista sa isip.
Tulungan ang iyong anak na sundin ang panggagamot, at bumalik sa doktor kung makita mong hindi bumubuti ang kalagayan niya o kung may masamang epekto ang gamot.
Bilang pamilya, magkaroon ng magandang rutin sa pagkain, pag-eehersisyo, at pagtulog.
Laging makipag-usap sa iyong anak, at tulungan siyang harapin ang anumang senyales na maaaring mauwi sa depresyon.
Laging ipadama sa iyong anak na mahal mo siya dahil kapag nadedepres siya, pakiramdam niya ay nag-iisa siya, nahihiya, o walang halaga.