ALAGAAN ang kalusugan upang sakit ay maiwasan.
NI: MARILETH ANTIOLA
HABANG tumatanda ang mundong ating ginagalawan, dumadami rin ang mga sakit na ikinamamatay ng mga tao. Ang mga sakit na ito ang tinatawag na “lifestyle diseases.”
Karaniwan sa mga sakit na ito ay hindi naman kumikitil ng buhay noong nakaraang siglo o noong early 1900s. Naging kaakibat na ng pagunlad ng mundo at mabilis na pamumuhay ng mga tao simula noong 20th century, ang mga tinatawag na lifestyle diseases. Para maiwasan ang mga ito, maiging malaman ang ilang mga datos tungkol dito.
Ang mga sumusunod ay mga pangunahing sakit na nagiging dahilan ng maagang pagkamatay ng tao sa mundo:
- Sakit sa puso.Isa ito sa pangunahing dahilan ng pagkamatay ng mga Pilipino at ito rin ang itinuturing na nagungunang sakit sa ibang bansa gaya ng Estados Unidos. Ang mortality rate ay may 109.4 sa bawat 100,000 na mga Pilipino.
- Kanser. Isa ito sa sakit na mahirap gamutin na hanggang ngayon ang iba’t-ibang uri nito ay hindi pa rin nahahanapan ng tiyak na lunas. Isa rin itong maituturing na traydor na sakit na maaring maranasan ng sino man. Ang mortality rate ng kanser sa bawat 47,732 na tao ay pumapalo sa 51.8.
- Sakit sa mga ugat na daluyan ng dugo. Ang sakit na ito ay isa rin sa mga nagiging dahilan ng maagang pagkamatay ng ibang tao. Kabilang dito ang mga sakit gaya ng stroke, pagbabara sa daluyan ng dugo, altapresyon o hypertension at marami pang iba.
- Tuberculosis. Ang sakit na ito ay karaniwan nang dumadapo sa maraming tao ngayon dahil sa kahirapan ng buhay. Nagagamot na ang TB pero sa kahirapan ng buhay ng mga tinatamaan nito, kamahalan ng gamot at pagsisiksikan ng tao sa maliliit na tahanan ang higit na nagpapalubha sa sakit na ito.
- Pulmonya. Kapag mahina ang resistensya ng isang tao, madaling makapasok sa katawan ang kung ano mang mikrobyo. Nag-uumpisa ito sa sipon, pag ubo, lagnat na nagiging trangkaso kung mapabayaan. Ang paghina ng baga ay siyang nagiging umpisa ng pulmonya.