AGRICULTURE Secretary William Dar
HANNAH JANE SANCHO
NANAWAGAN ang Department of Agriculture (DA) sa lahat ng mga ahensya ng gobyerno na makiisa at tumulong sa pagkontrol ng pagkalat ng African Swine Fever (ASF) sa buong bansa.
Ginawa ni Agriculture Secretary William Dar ang panawagan sa kaniyang pagbisita sa lalawigan ng Leyte.
Sinabi ni Dar na malaki ang magiging pinsala sa industriya ng hog raising sa bansa kung hindi tutulong ang ibang mga ahensya sa pagkontrol sa nasabing sakit.
Ipinag-utos din ni Dar na mas paigtingin pa ang pagsasagawa ng checkpoint at quarantine upang mapigilang makapasok ang mga baboy at produktong karne sa mga lugar na hindi apektado ng naturang virus.
Kasabay nito, binigyang diin ni Dar ang kahalagahan ng pagkakaroon ng kaalaman ng publiko tungkol sa sakit na bagaman hindi ito nakakahawa sa tao, kung makakain naman ng karneng apektado ng ASF ay nagiging carrier ito ng nasabing sakit.