IBINUNYAG ni Mary Mitzi Cajayon Uy, Executive Director ng Council for the Welfare of the Children na ang kawalan ng paggabay ng magulang, talamak na prostitusyon at kakulangan ng ibang ahensya ng pamahalaan sa pagbibigay impormasyon patungkol sa reproductive health ang mga dahilan ng maagang pagbubuntis ng mga kabataan ngayon.
Aniya mas maraming magulang ang mas nakatutok sa pagtatrabaho kaysa personal na gabayan ang kanilang mga anak.
Ang iba naman aniya lalo na sa parte ng Mindanao ay talamak ang prostitusyon na kung saan ang mismong mga magulang ang nagbebenta sa kanilang mga menor de edad.
Dagdag pa nito ang pagkakaroon ng fixed marriage sa ibang bahagi sa Pilipinas bilang tradisyon ay bahagi rin ng problema.
Pangamba rin ni Uy na ang mahinang implementasyon ng Reproductive Health Law ay isa ring dahilan kung bakit patuloy sa paglobo ang bilang ng mga kabataan na maagang nabubuntis.
Batay sa kanilang impormasyon, aabot sa limang daan na mga menor de edad ang nanganganak araw araw.
Naniniwala naman si Uy na dapat ng gawing national social emergency ang maagang pagbubuntis ng mga kabataan na kailangan ng tutukan ng Duterte Administration.