JHOMEL SANTOS
SUNOD SUNOD ang lindol na tumama ngayong taon sa Pilipinas kung saan ang huli ang magkakasunod na 6.3, 6.6 at 6.5 magnitude na lindol sa Tulunan North Cotabato.
Daandaang mga bahay, gusali at mga pasilidad ang nasira at may mga buhay na nawala dahil sa biglaang pagyanig ng lupa.
Pero ayon kay 1 Pacman Partylist Rep. Enrico Pineda, may instrumento na ngayon na makapagliligtas ng buhay sa panahon na biglang tatatama ang lindol.
Gamit ang “accelerograph” na isang uri ng Earthquake Recording Instruments (EPI), mabibigyan umano ng dalawang minutong window time ang lahat bago tumama ang lindol.
Tutunog daw kasi ang alarm ng “accelerograph” dalawang minuto bago ang inaasahang pagyanig.
Automatic din itong magsasagawa ng integrity test pagkatapos ng lindol at kung hindi papasa ang tinamaang gusali ay muling tutunog ang alarm na siyang hudyat para magpatupad ng evacuation.
Bahagi ng national building code ang pagkakaroon ng earthquake recording instrument sa pagpapatayo ng private at government buildings subalit hindi ito nasusunod.
Ayon kay Pineda, sakop ng building code na malagyan ang lahat ng government buildings, ospital, maging mga provincial, city, at municipal buildings subalit mayorya ng mga nabanggit na pasilidad ay hindi compliant.
Medyo may kamahalan ang earthquake instrument na ito subalit ayon kay Pineda, dapat bang isa-alang alang ang kapakan ng mga Pilipino tuwing may lindol sa mahal na presyo ng accelerograph?
Sa ngayon ay nakapaghain na ng house resolution ni Pineda kasama si Deputy speaker Mikee Romero na layong ipasuri ang compliance ng lahat ng gusali at imprastraktura sa building code.
Makikipagpulong naman si Pineda kay Interior Secretary Eduaro Año sa hangarin na malagyan ng earthquake instrument ang lahat ng government buildings.